Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Bagong dating na Pinay, nakitang may tumor sa utak

22 November 2018

Si Barroga bago ang operasyon sa Queen Mary
By The SUN

Tagumpay ang operasyon na isinagawa kay Carent Samson Barroga noong ika-21 ng Nobyembre, 10 araw pagkatapos niyang dumating sa Hong Kong para sana magtrabaho sa kanyang bagong amo na taga South Horizons.

Hindi na nakarating sa bahay ng amo si Carent, 37, at dati nang nagtrabaho sa Hong Kong, nang makaramdam siya ng matinding pananakit ng ulo, pagkahilo at pagsusuka, ilang oras matapos lumapag ang kanyang sinasakyang eroplano mula sa Pilipinas noong ika-11 ng Nobyembre. Itinakbo siya sa Queen Mary Hospital sa Pokfulam kinabukasan, at na-admit agad nang makita ang tumor sa kanyang utak.

Agad na lumipad papuntang Hong Kong ang kanyang kapatid na si Liezl de Guzman nang sabihin ng mga kaibigan ni Carent na kailangan itong operahan agad. Sabi ni Liezl, ayaw ng kanilang pamilya na ipa-opera agad si Carent dahil baka nagkamali lang ng diagnosis. Malakas pa daw si Carent bago lumipad papuntang Hong Kong.



Nakaalis si Liezl sa tulong ni Chenny Princillo at iba pang mga kaibigan ni Carent na nag ambag-ambag para may ipandagdag sa pambili ng kanyang tiket at panggastos sa Hong Kong.  Pagdating niya sa ospital ay nakita daw ni Liezl ang matinding paghihirap ng kapatid, na itinali na sa kama dahil nagwawala sa tindi ng sakit ng ulo, kaya pumayag na siya sa operasyon.



Bagamat natutuwa dahil sa tagumpay ng operasyon, nag-aalala naman ngayon si Liezl at mga kaibigan ni Carent dahil sa babayaran sa ospital na siguradong napakalaki dahil sa isinagawang maselang operasyon.



Ayon daw sa agency ni Carent, hindi obligadong sagutin ng kanyang employer ang pagpapagamot dahil hindi pa nakapag-umpisa ng trabaho ang Pilipina bago nagkasakit. Hindi pa rin daw nakakakuha ng domestic helper insurance ang amo.



Ang isa pang pinag-aalala ni Liezl ay kung saan puwedeng dalhin si Carent habang nagpapalakas dahil sabi ng doktor ay may isang buwan pa bago ito puwedeng makauwi sa Pilipinas.

Kabilang sa mga unang tumulong sa magkapatid ang mga miyembro ng Domestic Workers Corner na agad na nagbigay ng ambag para sa pangkain ni Liezl, na kasalukuyang nakikitira lang sa mga kaibigan habang inaalagaan ang kapatid. Nag-alay din ang grupo ng dasal para makasalba si Carent sa operasyon.

Ang founder ng grupo na si Rodelia Villar ay itinawag na rin kay Labor Attache Jalilo dela Torre ang kaso ni Carent para sa kung anumang tulong ang maaari niyang makuha mula sa pamahalaan. Ang unang-una nilang kahilingan ay ang mabigyan si Carent ng pansamantalang tutuluyan kapag nakalabas na siya sa ospital.

Ang mas mabigat na problema ay kung sino ang magbabayad sa ospital. Ayon sa batas ng Hong Kong, ang mga itinuturing na residente, kabilang ang mga foreign domestic helper na may Hong Kong ID card, ang maaari lang makapagpagamot sa mga pampublikong ospital ng walang masyadong binabayaran.

Si Carent ay nakapagtrabaho dati sa iisang amo sa loob ng halos apat na taon pero na-terminate kaya kinailangang umuwi habang naghihintay ng visa para sa bagong amo. Pangwalo siya sa 10 magkakapatid, may asawa’t dalawang anak, at taga Bayambang, Pangasinan.

Balak ngayon ng DWC na magsagawa ng charity hike para may ipandagdag na tulong kay Carent at sa kanyang mga anak. 

Suportahan po natin ang ating mga sponsor:









Don't Miss