Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Ang ‘Walled Village’ sa Shatin

09 November 2018

Ni Marites Palma

Kakaiba ang mararamdaman kapag nasilayan sa unang pagkakataon ang lugar na ito sa Shatin na may 178 taon nang nakatayo. Ito ang Tsang Tai Uk o Big House of Tsangs, na kilala rin sa pangalang Shan Ha Wai o “Walled Village at the Mountain’s Foot.”

Isa sa mga pasukan sa Tsang Tai Uk 
Kitang kita talaga ang kalumaan ng gusaling ito na naitayo pa noong 1840s ng isang mayamang negosyante ng batong granite na mula sa pamilya Tsang. Bagamat ilang siglo na itong nakatayo ay maayos pa rin ang istraktura. Sa ngayon ay ito na lang ang nakatayong Hakka walled village sa buong Hong Kong.

Hugis parihaba ang istraktura at may tatlong hanay ng kabahayan na nababakuran ng granite at ang bawat poste ay gawa sa isang buong piraso ng troso. May tatlong palapag ang bawat sulok nito na nagsisilbing tore kung saan maaaring magmatyag sa buong paligid. May mga butas sa makapal na pader kung saan inuumang ang mga mahahabang baril noong unang panahon, at malayang pinapapaputok kung may bantang panganib.
Mula sa hilagang bakod ay may tatlong hugis-arkong pasukan, samantalang ang opisyal na lagusan ay nasa gitnang bahagi. Ito ang nagsisilbing daanan papunta sa ancestral hall kung saan ginaganap ang mga pagtitipon at iba’t ibang tradisyunal na seremonyas ng kanilang angkan.

Sa pagsilip sa madilim at makipot na lagusan ay hindi maiiwasang maisip ang kung ilang daan katao na ang pumasok doon, at ngayon ay matagal ng wala dito sa mundong ating ginagalawan. Maari ding sumagi sa isip na may kababalaghan na makita dahil ang mga dingding ng gusali ay naaagnas na sa kalumaan. May mga parte din namang inayos na pero mas marami pa rin yung mga natirang haligi na nilumot na sa pagdaan ng mga taon.
Sa harapan ng unang gusali ay isang mahabang courtyard o lakaran kung saan ibinibilad ng angkan sa araw ang kanilang mga produkto noong unang panahon. Ngayon ay mga labadang pinapatuyo na lang ang makikita dito.

Ang mga kabahayan dito ay pinagdugtong-dugtong sa pamamagitan ng mga maliliit na lagusan at courtyard o pahingahan. Ang mga bisita ay pinapayagang makapasok sa unang courtyard at ancestral hall lang, at hindi sa iba pang mga gusali na patuloy na tinutuluyan ng mga bagong miyembro ng angkan.

Sa bungad at pinakadulo ng unang courtyard ay matatagpuan ang dalawang balon na kinukuhanan ng tubig noong panahon ng pagkubkob, pero sa ngayon ay nagsisilbing alaala na lamang ng bukal na bumuhay sa mga ninuno ng angkan.
Sa tibay ng mga gusali dito ay parang walang anuman na dumadaan ang mga bagyo o delubyo, katulad ng T10 na si Mangkhut noong nakaraang buwan. Inabot man ito ng baha dahil sa umapaw na ilog ng Shing Mun River ay hindi naman natinag man lang. Patuloy pa rin itong nagsisilbing tirahan ng mga pinakabagong henerasyon ng pamilya Tsang.

Ang isa pang nakakatawag-pansin ay ang mga butas na kuwadrado sa mabibigat at malalaking pintuan ng mga bahay, kung saan ipinapasok ang mga pangharang na gawa sa mabibigat na kahoy, bilang paniguro na hindi sila basta-basta papasukin ng mga mananakop o tulisan.
Bukas ang ilang parte ng walled village na ito sa mga bisita, para ipakita kung paaano namuhay ang mga miyembro ng pamilya Tang sa ilang daantaong nakalipas. Kitang-kita kung paano sila namuhay ng sama-sama para protektahan ang mga kalahi laban sa mga masasamang elemento.

Madali lang marating ang walled village. Sumakay lang sa Ma On Shan MTR Line at bumaba sa Che Kung Mui station, bago lumabas sa Exit B. Tahakin ang daan patungo sa Shan Ha Wai village, at pagkatapos ng ilang minutong paglalakad lang ay tatambad na ang sinadyang lugar.

Sa mga mahilig mag selfie at humanap ng bagong lugar na papasyalan, subukang dayuhin ang Shan Ha Wai Village para magkaroon ng kakaibang tanawin sa iyong mga litrato. Malay mo, baka rin pagtingin mo sa iyon mga kuha ay makita mong nakasama mo ang multo ng isa sa mga ninuno ng pamilya Tsang.

Suportahan natin ang ating mga sponsor:













Don't Miss