Pasalamat na lang siya dahil hindi nasaktan ang kanyang ina na mag-isang naninirahan sa kanilang bahay.
May mga kapatid siya na nakatira lang sa malapit, pero nang magkaroon sila ng pagkakataon na puntahan ang kanilang ina ay basang-basa na ito at nanlalamig. Mabuti na lang at naisipan ng matanda na protektahan ang sarili sa pamamagitan ng pagpulupot ng kutson sa sarili.
Nasira ang bahay ng lahat ng kanyang mga kaanak kaya kinailangang tumira sa shelter.
Ipinadala ni Lyn ang lahat ng pera niya para makatulong pero hindi ito naging sapat dahil maraming anak ang kanyang mga kapatid.
Tinawagan si Lyn ng isa sa kanyang mga kapatid para muling magpasaklolo nguni’t wala na siyang maibigay.
Tinanong ng kanyang kapatid kung puwede ba siyang mag-advance muna ng suweldo sa amo, ngunit sinabi ni Lyn na hindi niya masabi dito ang tungkol sa kanilang pangangailangan dahil sa siya ay nahihiya.
Ayaw naman niyang mangutang dahil isa yun sa mga ipinagbabawal ng kanyang amo.
Tatlong araw na siyang balisa tungkol dito pero hindi pa rin siya mangahas na magsabi sa amo, kahit ito na lang ang natitira niyang pag-asa.
Ngunit kinagabihan habang nagluluto siya ay ito na mismo ang nagbukas ng usapan. Tinanong nito si Lyn kung kumusta ang pamilya nito.
Habang naghahalo ng ulam na niluluto ay naiyak na si Lyn sa harap ng amo, sabay sabi ng, “Maam sorry but I need your help. Would you mind if I can ask for a salary advance?”
Sumagot naman ang kanyang amo ng, “No problem, I will give you two months’ advance salary.”
Tinapik pa nito ang balikat ni Lyn at sinabing “Dont cry its okay. You have been good to us so I will give you your money.”
Wala nang nasabi pa si Lyn kundi ang, “Thank you, maam, and God bless your family.”
Laking pasasalamat niya dahil naramdaman niya ang bait sa puso ng amo niya.
Agad niyang tinawagan kinagabihan ang kapatid at sinabi na makakapagpadala na siya ng pera dahil bibigyan siya ng amo ng katumbas ng dalawang buwang suweldo niya para pantulong sa kanyang pamilya.
Galak na galak ang nanay niya dahil dito, at pinayuhan pa si Lyn na magpakabait sa amo at pagbutihin ang trabaho niya.
Pinaalala na lang ni Lyn na yun ay utang na kailangan niyang bunuin ng dalawang buwan. Kaya ihanda nila ang mga sarili na maghigpit ng sinturon dahil dalawang buwan din siyang walang maipapadala sa kanila.
Si Lyn ay 36 na taon, dalaga, at pampito sa 10 magkakapatid. Magdadalawang taon pa lamang sa mga among Intsik na taga Shatin sa New Territories. – Ellen Asis
Suportahan po natin ang ating mga sponsor: