Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

‘Take care’

15 October 2018


Alas dyes na ng gabi at handa ng matulog si Rowena nang marinig ang katok sa pinto at tawag ng among babae. Nagtataka man ay agad niyang pinagbuksan ito at tinanong kung may kailangan. 

Humingi naman ito ng paumanhin bago sinabi ang, “Rowena, I'm so sorry but can you please come with me? Sir got an accident.” Gulat na tinanong niya ang amo kung ano ang nangyari pero sinabi lang nito na magbihis na siya agad para masamahan siya sa paglabas. 

Pupunta pala ito sa Hong Kong University para puntahan ang asawa na naaksidente daw sa may hagdanan doon at hindi makalakad. Halos maputol ang hininga ni Rowena sa paghabol sa amo na mabilis na lumalakad. 

Pagdating sa unibersidad ay nakita nila ang among lalaki na nakasalampak sa may hagdanan at namamaga ang bukong-bukong. Hindi na ito makatayo sa sobrang sakit, at pati ang mga gamit ay nagkalat sa paligid. Pababa daw ito sa hagdanan, at dahil sa sobrang dilim ay nagkamali sa pag-apak. Akala daw nito ay nasa ibaba na siya ngunit may isang hakbang pa palang natitira sa hagdanan kaya ito natapilok. 

Kinailangan nilang alalayan ito sa magkabilang braso para maisakay sa taksi at maiuwi sa bahay. 

Habang naglalakad ay panay sabi daw ng amo sa kanya mag-iingat at huwag gagamit ng cellphone kung naglalakad, lalo na kung bumababa sa hagdanan. Panay “yes ma’am” at “yes, sir” na lang daw ang isinagot niya. 

Dahil sa nangyari ay isang linggong nakabenda ang paa ng kanyang among lalaki at hindi makapasok sa trabaho. Mabuti na lang at ang asawa nito ang matiyagang nag-alaga dahil bugnutin ang among lalaki, na kapag hindi naintindihan agad ang utos ay agad nagkukunot-noo. 

Ang maganda lang, dahil sa aksidente ay lagi na nitong sinasabi kay Rowena ang “You take care” tuwing lumalabas siya ng bahay. 

Sa isip ni Rowena, sa loob ng dalawang taon at anim na buwan niyang paninilbihan sa mga ito ay ni minsan ay hindi siya kinumusta o tinanong tungkol sa kanyang pamilya. Kung di pa naaksidente ay hindi ito magpapakita ng pag-aalala sa kanya. Si Rowena ay 33 taong gulang, dalaga at taga Iloilo. Naninilbihan siya sa mag-asawang Intsik na taga Pokfulam at may dalawang anak. – Ellen Asis

Don't Miss