Sising sisi si Ruby sa pagpagamit niya ng kanyang
pangalan para makapangutang ang kasabayang nagtraining sa OWWA at ka-agency
niya, dahil ayaw nang magbayad ang itinuring niyang kaibigan. Nagmakaawa daw
kasi nang husto ito noon kaya naantig ang kanyang kalooban at tinulungan niya.
Ngayon,
siya ang naiwan na nagbabayad sa pautangan para hindi madisgrasya ang trabaho
niya sa among mabait pa naman. Takot siyang matawagan sa bahay at mabisto ng
amo na nangutang kaya hindi siya pumapalya sa pagbabayad buwan-buwan.
Ang akala
niya kaibigan na iniutang niya ay hindi na niya matawagan sa telepono, at ang
mas masaklap ay blocked na siya sa dalawang account nito sa Facebook.
Dahil sa
tiwala niya sa bolerang Pinay ay hindi na niya naisip na papirmahan sa isang
kasulatan o hiningan man lang ng kopya ng pasaporte o HK ID para man lang may pinanghahawakan siya o may
ideya kung paano ito hahabulin.
Mabuti at may isa pa siyang kasamahan sa agency
na nagpayo na subukan niyang lumapit sa Konsulado at baka sakaling mapatawag
nila ang balahurang kababayan para magharap sila doon.
Payo ni Ruby sa mga
katulad niyang bagong salta sa Hong Kong, huwag basta-basta magtitiwala sa iba
at huwag magpadala sa kanilang mga drama dahil sa huli, ikaw na gusto lang
makatulong ang siyang kawawa.
Si Ruby ay tubong Cagayan Valley, may asawa at
anak, at mag-iisang taon pa lamang sa mga amo sa Ma On Shan – Marites Palma