Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Mangkhut sa mata ng mga OFW

09 October 2018

Samo’t saring perhuwisyo
 “Sa amin sa World-wide Gardens, Shatin, umuuga talaga ang building. Sa umaga, mga alas otso, tahimik pa, pero bandang 10 am, ayan na ang hampas ng hangin. Sa kusina kami lagi tumatambay ng kasamahan ko dahil malakas ang wifi, pero dahil mainit at walang hangin ay binuksan niya nang kaunti ang bintana. Biglang pasok ang malakas na hangin, at agad sinapul ang plastic na lagayan ng toyo at mantika, na animo may kamay na umagaw. Nabasag din ang acrylic glass ng terrace namin, at sumambulat sa sahig ang bubog. Kinabukasan umaga, sobrang busy ko dahil marami silang hinatid ko. Dati, sumasakay na sila sa MTR kapag sabay ang kanilang pasok, pero stranded sa Taipo at Taiwai MTR station ang dalawang alaga kong dalaga kaya kinailangan kong sunduin at ihatid sila pareho.  Nagutom ako sa biyahe kasi tuloy-tuloy ang labas ko at mabagal ang takbo kasi maraming puno ang natumba kaya ang mga 3-4 lane na kalsada ay naging isang lane na lang, at kailangang magbigayan ang mga motorista. Hanggang ngayon, isang linggo na magmula nang bumagyo ay hindi pa rin nalinis nang husto ang mga kalsada dito sa Shatin, New Territories.” – George Manalansan

Kakaibang bagsik
“Sa 28 taon ko dito sa Hong Kong dito kay Mangkhut ako ninerbiyos ng husto. Kahit alam kong ligtas ako sa loob ng kuwarto ko na kapapagawa lang ni amo ay dinig na dinig ko pa rin ang sobrang lakas ng hangin sa labas. Malakas ang pagsipol na dulot nito, at pati ang tunog ng pagkabalya ng mga bagay na nadadala nito sa paligid. Hindi lang isang araw ang dinulot nitong pinsala. Kinabukasan, yung kapitbahay kong kapwa ko Ilongga ay nabalian ng braso nang madulas sa naputol na tanim niyang aloe vera habang naglilinis ng nagkalat na dahon at basag na bote. Itinukod niya ang kanyang kamay para pigilan ang kanyang pagbagsak, pero ito ang nadale. Ayon sa doktor na tumingin ng kanyang x-ray sa Tseung Kwan-O hospital, nagkaroon daw ng crack ang kanyang buto sa braso dahil sa tindi ng kanyang pagbagsak. Mula noon ay ilang beses na siyang bumalik sa ospital para magpagamot.”– Merly Bunda

Umuuga-uga
“Akala ko ay hindi lalakas nang ganoon si Mangkhut dahil noong itinaas ang T8 noong madaling araw ng Sept 16 ay hindi pa ito ramdam sa amin kaya kalmado kaming lahat ng mga amok o. Pero noong itaas na sa T10 ang signal ay nakaramdam kami ng takot dahil sa lakas ng pag-uga ng building naming. Nasa 37th flr kami kaya ramdam na ramdam namin ang nakakahilong paggalaw ng paligid. Noong una ay nagpa panic na ang amo kong babae na ang sabi ay bababa kami at sa garahe na magpapalipas ng oras, pero lalo siyang natakot nang maputol ang serbisyo ng lift namin. Takot na takot siya na bumagsak ang building namin, mabuti at tumawag ang kanyang mga magulang at napahinahon siya. Sinabi sa kanya na normal lang sa isang matayog na building ang umuga kapag may malakas na bagyo. Mas ligtas daw kami sa itaas kaysa sa ibaba dahil kapag bumaha nang bigla ay baka malunod kami o matangay ng tubig. Dahil sa tinuran ng kanyang ama ay kumalma na ang amok o, at ako naman ay nakatulog sa sobrang pagkahilo at takot. Nalaman namin pagkatapos na nawasak ang salamin na pintuan sa main entrance ng building naming, at naputol ang pagdaloy ng tubig sa aming banyo at kusina. Ang kainaman ay pinupuntahan kami ng mga nakatalagang guwardiya sa building at kinukumusta ang aming kalagayan. Tinatanong kung ok lang kami, at kung may sapat daw ba kaming pagkain at tubig. Napakagaling ng serbisyo nila sa mga homeowners! Samantala, isang kapitbahay ko ang tumawag sa akin pagkatapos ng harurot ni Mangkhut at ikinuwento na iniwan siya at ng kanyang asawa ng kanilang employer na sa sobrang takot ay nag check-in sa hotel. Doon daw nagpalipas ng oras ang mga amo, samantalang silang mga kasambahay ay iniwang nangangatog sa takot sa kanilang bahay na nasa 45th floor. Masama ang loob ng dalawa dahil ipinakita ng mga amo na wala silang pakialam sa kanilang kaligtasan. Parang ang sabi ay hindi na bale silang malagay sa panganib, basta ang kanilang mag-anak ay nasa ligtas na lugar.” – Marites Palma

Iba si Mangkhut 
Dahil araw ng Linggo nang manalasa ang bagyong Mangkhut sa Hong Kong ay nasa bahay lahat ang mga tao sa bahay ng amo ni Floi, at pati na rin siya, dahil sinabihan ang lahat ng tao na delikado ang lumabas. Ayon sa paulit-ulit na balita, isang “Super Typhoon” si Mangkhut at maaring ito rin ang pinakamabagsik na bagyo na tatama sa Hong Kong. Ngunit dahil sa loob ng 14 taong paninilbihan sa Hong Kong ay wala naman siyang naranasang kakaiba tuwing dumaraan ang bagyo ay medyo kampante si Floi. Mismong mga amo niya ay nag yu yumcha kahit T8 pa ang dumaan kaya wala siyang kakaba-kaba. Isa pa, ang bahay ng kanyang mga amo sa Ma On Shan ay matatag ang pagkakagawa kaya halos hindi nila naramdaman ang mga malalakas na bagyong nagdaan. Sinunod na lang niya ang bilin ng amo na mag-imbak ng pagkain at maglagay ng tape sa mga bintanang salamin para makaiwas sa anumang sakuna. Ngunit iba pala itong si Mangkhut. Mula sa T8 ay agad na itinaas sa T10 ang babala, wala pang alas dyes ng umaga. Dinig na dinig nila ang malakas na pito ng hangin at pabugso-bugsong pag-ulan ngunit tahimik ang lahat sa bahay kaya dinaan na lang ni Floi sa dasal ang takot. Ilang sandali pa ay naramdaman nila ang biglang paglakas ng patak ng ulan, at ang kasabay ng malakas na ihip , at dahil dito ay nabaklas ang exhaust fan nila sa kanilang kusina. Agad na pumasok ang tubig mula sa ulan, at dahil dito ay hindi napigilan ni Floi ang magsisigaw sa takot. Habang inaayos ng alagang lalaki ang natanggal na exhaust fan ay sinabihan siyang tumahimik at tawagan ang building management para tumulong. Pagtawag nila sa nangangasiwa sa kanilang gusali ay sinabihan silang may nauna nang tumawag para magpatulong kaya matatagalan pa bago sila mapuntahan. Sa laki ng takot at pagkataranta ay hindi namalayan ni Floi na tuwalya ng amo ang nahagilap niya para ipantapal sa bintana pansamantala upang maiwasan ang malakas na pagpasok ng tubig sa kanilang kusina. Mabuti na lamang at hindi nagalit ang amo nito nang mapansin ang tuwalya at sinabi na lamang na “you can wash it.” Ayon kay Floi, 50 taong gulang at taga Bacolod, kakaibang takot daw talaga ang ibinigay sa kanya ng bagsik ni Mangkhut. – Ellen Asis

Signal no 8
Bagong salta sa Hong Kong at isang buwan pa lang sa among taga Discovery  Bay si Maribel, 25 taong gulang, at tubong Batangas. Walang siyang alam tungkol sa bagyo sa Hong Kong kaya nang sabihan siya ng amo na bumili ng pagkain nila para sa isang linggo at huwag niyang ilalabas ang tatlong tuta na alaga niya dahil may inaasahang signal no 8 na bagyo ay lubha siyang nabahala. Baka daw delikado ang buhay nila dahil sa Pilipinas, pinakamalakas na ang signal no 3. Takot na biglang bumaba si Maribel at pumunta sa Wellcome para mamili. Mabuti naman at may nakasabay siyang Pilipina kaya tinanong niya ito. Agad na sinabi sa kanya ng kausap na ang T8 sa Hong Kong ay kasinglakas ng T3 sa Pilipinas, kaya tigil lahat ang mga pampublikong sasakyan maliban sa MTR kung hindi delikado, at wala ring pasok sa eskuwela at sa opisina. Sumaya si Maribel sa paliwanag at kahit paano ay nawala ang kaba nya. Pagdating sa bahay, nagpasalamat din si Maribel sa amo, lalo nang sabihin sa kanya na bawal lumabas kapag ganoong malakas ang bagyo dahil baka may matumbang puno o may matangay na mabigat na bagay, at madaganan siya. Kinakabahan man ngunit panatag naman ang loob ni Maribel dahil takot din siyang lumabas. — Rodelia Villar

Admiralty near United Centre: Uprooted tree blocks access to bus stop.


Don't Miss