Nadagdagan ng timbang si Maura kamakailan dahil mas nakakagalaw na siya ng mabuti sa bahay ng amo. Dati ay hirap si Maura dahil masyadong napakahigpit ng kanyang among babae na 65 taong gulang, mayaman pero kuripot. Lahat ng gamit sa bahay ay kinukuwenta, at ultimong sangkap sa pagluluto katulad ng mantika, toyo at pati kanin ay nakasusi lahat.
Dalawa silang kasambahay, pero dahil kay Maura nakatoka ang pagluluto ay siya yung hirap na hirap. Bago siya magluto ay kailangan niyang sabihin sa amo para buksan nito ang cabinet na naka lock. Pagkatapos ay kailangan din niyang ipaalam para maibalik lahat ng gamit sa cabinet at masusian ulit ng matanda.
Kahit natutulog na ito ay nasa bulsa pa rin ang susi. Noong nagdaang taon ay natagpuan na may cancer sa bituka ang matanda, at nang lumala ay kinailangan nitong manatili sa ospital. Si Maura ang laging natotoka na tumigil sa ospital at magbantay sa amo.
Isang araw, ganoon na lang ang pagkabigla niya nang kausapin siya nito at humingi ng tawad dahil sa ginagawa nitong pagtatago ng mga gamit at sangkap sa bahay, at pagiging madamot sa pagkain. Pumanaw ang matanda nitong nakaraang Pebrero, at ang asawa lang nito ang naiwan sa bahay para alagaan ni Maura at ng kasama nitong Indonesian.
Kaiba sa asawa ang matandang lalaki dahil hindi nito sinususian ang cabinet na may lamang mga sangkap, at sinabihan pa ang dalawang kasambahay na maari nilang kainin ang kahit anumang pagkain na nasa refrigerator.
Binilin daw kasi sa kanya ng namayapa niyang asawa na ituring na kapamilya ang dalawang katulong. Dahil dito ay mas masaya na ngayon sa pagsisilbi ang dalawa sa kanilang amo na nakatira sa New Territories.
Si Maura ay taga Mindanao, 43 , may asawa at dalawang anak na babae na nasa high school. – Merly Bunda