Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Baldado na nang bumalik

15 October 2018

Ganap nang medical technologist at computer engineer ang dalawang anak ni ate Lenny nang kusang bumalik sa kanilang pamilya ang asawa niya na baldado na noon. Malugod naman siyang tinanggap ng kanilang dalawang mababait na anak  kaya hindi na nakaimik si ate Lenny. 

Iniwan sila ng kanyang asawa nang maliliit pa ang kanilang mga anak, matapos umalis papuntang Hong Kong si ate Lenny. Binalikat niya mag-isa ang pagpapaaral sa kanyang mga anak, na mabuti na lang ay parehong mabait at matalino. 

Naging malas man daw si ate sa kanyang asawa ay naging mapalad naman siya ang mga amo dahil sobrang bait nila sa kanya. Mataas ang sahod na binigay sa kanya at trinato siya na kapamilya. 

Inako din ng mga amo ang pagpasyal-pasyal ng kanyang mga anak sa Hong Kong, at tuwing nagkakaroon siya ng problemang pinansyal ay buong puso siyang tinutulungan at sinusuportahan ng mga ito. Masipag daw kasi sa trabaho si ate at mapagkakatiwalaan sa lahat ng bagay, lalo na sa pag-aalaga niya sa kanilang nag-iisang anak,  kaya ganoon siya kamahal ng mga amo. 

Hindi din maselan ang mga ito dahil natuwa pa daw sila sa kanya nang husto nang malaman na kumakain ang kanilang anak ng mga pagkaing Pinoy gaya ng binagoongang baboy, adobo, pinakbet at sinigang. Hanggang ngayon ay mahilig pa din daw sa mga ganitong pagkain ang kanyang alaga na bagamat nag-aaral na sa Europa ay nagpapaluto pa rin sa kanya ng mga ito tuwing umuuwi sa Hong Kong. 

Kamakailan ay dumating ang isa pang biyaya kay ate dahil ang bunso niya ang napili ng kumpanyang pinagtatrabahuan na ipadala sa New Zealand. Biro daw ni bunso sa kanya, baka pagdating ng araw ay pwede na siyang mag-petisyon para doon na lahat silang lahat tumira. 

Napapaluha si ate habang nakikipagkwentuhan sa mga kaibigan kamakailan tungkol sa mga biyayang ipanagkaloob sa kanya ng Panginoon, lalo na sa pagkakaroon ng mababait at responsableng mga anak. Nagpapasalamat siya dahil hindi daw siya pinabayaan ng Diyos sa mga panahong hirap na hirap siya. 

Si ate Lenny ay tubong Nueva Ecija, 55 taong gulang at kasalukuyan pa ring naninilbihan sa mga mababait niyang employer na Intsik na taga Shatin. – Marites Palma

Don't Miss