Si Irene na isang buwan pa lang sa Hong Kong ay nanghingi ng tulong sa Facebook dahil nasunog daw niya ang niluluto niyang kamote, kaya nangitim at umamoy ang kanilang bahay. Gusto niyang malaman kung paano matatanggal agad ang amoy bago dumating ang kanyang mga amo.
Agad namang sumagot ang mga kapwa miyembro niya sa Domestic Workers Corner. Karamihan ay nagsabi na buksan niya agad ang mga bintana at i-on ang exhaust fan. May ilan namang nagsabi na magpakulo siya ng katas ng lemon o suka, at may isa naman na ang suhestiyon ay haluan ng fabric softener ang tubig bago pakuluan.
Ang isa pang popular na suhestiyon ay magsindi siya ng kandila, nguni’t sinabi ni Irene na wala siyang makita sa bahay, at hindi pa din niya alam kung saan nakatago ang mga gamit dahil bago pa lang siya.
\Ngunit ang pinakamahalaga sa mga naging payo sa kanya ay mag-iingat siya lalo’t bago pa lang siya, na ang ibig ipahiwatig ay baka maging dahilan iyon para ma-terminate siya. “Delikado yan sis, bantayan mo kalan if nagluluto ka baka mag cause yan ng sunog,” sabi ni Ofelia.
Sabi naman ni Marieta: “Pakulo ka ng lemon at cinnamon stick, high fire. Ingat kabayan. Lalo’t baguhan ka.”
Laking pasasalamat naman ni Irene dahil marami ang agad na sumagot sa kanyang panawagan. “Thank you talaga po dito sa inyong lahat..much appreciated po ang mga suggestions nyo po..binuksan ko lang po ang bintana ng kusina namin at pina on ko ang exhaust fan at ceiling fan...at electric fan..Thank you, thank you talaga ng marami..nakakaluwag sa pakiramdam na maraming mga kababayan na handang tumulong sa oras ng kagipitan....God bless po sa atin.” – DCLM