Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Wise si amo

21 September 2018

Tatlong buwan nang nakakaramdam ng pananakit ng likod, pagkahilo at sakit sa ulo si Tess, 47, Capampangan at taga North Point, pero tuwing nagpapatingin siya sa ospital na pampubliko ay laging alta presyon lang ang laging sinasabi sa kanya ng doktor.

Nang lumala na ang kanyang panghihina ay sumangguni siya sa kanyang amo, at ang sabi ng amo ay hindi talaga siya susuriing masyado sa ospital kung hindi malala ang kanyang kundisyon.

Dahil talagang masama na ang pakiramdam ni Tess ay tumawag ng ambulansya ang kanyang amo, at pinagbilinan siya na huwag babangon at tatayo kapag dumating ang sasaklolo. Ayon sa amo, hindi daw siya dadalhin ng ambulansya kapag nakakatayo siya.

Kaya nang dumating ang mga paramedics at sinabihan siya ng isa ng, “Stand up” ay pumikit si Tess at hindi sumagot. Sabagay, talagang hinang hina naman daw ang kanyang pakiramdam. Hindi na nag-atubili pa ang mga sumaklolo at dinala siya sa Pamela Youde Nethersole Eastern Hospital sa Chaiwan kung saan agad siyang sinaksakan ng dextrose para lumakas.

Ayon kay Tess, may siyam na doktor na lalaki at isang babae ang nag-eksamin sa kanya, at bawat isa ay pumisil-pisil sa kanyang tiyan. Na-admit siya sa ospital pero hindi siya nakatulog sa dami ng mga doktor at nars na tumingin sa kanya.

“Walanghiya pinagpapraktisan yata ako” sabi niya sa kanyang  sarili.

Sa tulong ng kanyang amo ay nakumpleto lahat ng mga test kay Tess, kabilang na ang colonoscopy at gastrocopy.

Doon daw niya napatunayan na tunay na may malasakit sa kanya ang kanyang amo. Matapos ang lahat ng mga test ay pinalabas na si Tess, at nakahinga siya ng maluwag dahil wala namang lumitaw na sakit na dapat niyang ipag-alala.

Ngayon na maganda na ang kanyang pakiramdam ay ayaw nang ituloy ni Tess ang balak na umuwi na sa Pilipinas. Pagkatapos niyang ma general check-up ng libre ay kumbinsido siyang wala siyang dapat ipag-alala. – George Manalansan

Don't Miss