Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Reference lang, pero ginulo

24 September 2018

Hindi mapagkatulog si Ann ng mabuti nitong nakaraang buwan matapos siyang bulabugin ng kolektor sa isang pautangan. Si Ann na isang Ilongga, may asawa at apat na anak, ay ngayon lang nasabit sa ganitong problema sa tagal nang paninilbihan niya sa Hong Kong.

Ang masaklap, nag “reference” lang siya sa isang kaibigan na nangutang ng $10,000, at pagkatapos ay biglang naglaho. Lumipat ito ng tirahan at pinaputol ang kanyang telepono kaya nang hindi na mahagilap ng pautangan ay si Ann ang ginulo.

Hindi lang siya tinawagan ng ilang beses sa landline ng amo niya, nilagay pa ang pangalan niya sa Facebook para siya mapahiya, at ang saklap, ay nag viral pa ito.

Sa hiya ay umiiyak na humingi ng paumanhin si Ann sa amo niya dahil sa 10 taon niyang paninilbihan sa kanila ay noon lang nangyari ang ganoon. Hinanda ni Ann ang sarili na mawalan ng trabaho kahit kailangan pa niya ng pera para sa mga anak.

Ang bunso niya ay kakaumpisa pa lang sa kursong civil engineering, yung panganay niya ay kakasampa pa lang sa barko, ang pangalawa na nagtapos ng aeronautical engineering ay naghahanap pa ng trabaho, at yung pangatlo na nag graduate na cum laude sa chemistry ay kasalukuyan pang nag rereview para sa board exam niya.

Mabuti na lang at naging maunawain ang amo ni Ann at tinanggap ang paliwanag niya. Suwerte din niya dahil nagsisikap ang mga anak niya para hindi masayang ang pagsasakripisyo niya ng dahil sa kanila, samantalang ang kanyang asawa ay tapat na gumagabay sa kanilang pamilya habang siya ay nasa ibang bayan. – Merly Bunda

Don't Miss