Pinagpiyansa sa halagang $100 lamang si Liza Panabe, 46 at taga Calinog City, Iloilo City, matapos siyang ipahuli sa pulis ng kanyang amo sa salang pagnanakaw diumano ng sleeping pills, face mask at sigarilyo.
Ayon kay Panabe, mismong mga pulis ang nagsabi sa kanya na mag-impake na at bumaba sa bahay ng amo sa Wong Tai Sin noong ika-25 ng Agosto, matapos nilang makita doon ang mga gamit sa paghithit ng marijuana. Ipinakita din ng Pilipina ang mga kuha sa kanyang telepono na nagpapatunay na lulong sa ipinagbabawal na gamot ang kanyang among babae.
Isang linggo bago mangyari ang insidente ay napansin na diumano ni Panabe na iba na ang takbo ng utak ng amo, marahil dahil sa sobrang paggamit ng marijuana. Noong ika-3 ng Hunyo, halimbawa, biglang may dumating na pulis sa kanilang bahay na may kasamang ambulansiya dahil sinaktan ng amo ang kanyang ina. Isang linggo bago siya ipadampot ay nag-away daw silang matindi ng kanyang amo na laging mainit ang ulo.
Gustong gusto na daw ni Panabe na iwanan ang baliw na amo nguni’t naawa siya sa 16 taong gulang nitong anak, at pati ang ina na matanda na. Gusto rin ng Pinay na tapusin na muna ang kontrata para hindi siya mahirapang humanap ng lilipatan.
Gayunpaman, sinunod ni Panabe ang payo ng mga kaibigan na gumawa ng diary para may proteksyon siya sa kung anumang gawing hindi tama ng amo. Isang beses din na pumunta si Liza sa Philippine Overseas Labor Office para ibahagi ang ginagawa ng amo ngunit sinabihan niyang kailangan niyang ireklamo para may umaksyon.
Madaling araw noong ika-25 ng Agosto nang bulabugin ng amo ang mga pulis para ipahuli si Liza. Hindi natakot si Liza dahil alam niyang wala naman siyang ginagawang masama.
Pagdating ng mga pulis ay itinuro ng amo ang isang itim na bag kung saan nakita daw nito ang 17 pirasong face mask, dalawang kahang sigarilyo, at 30 tableta ng sleeping pills.
Itinanggi ni Panabe na kinuha niya ang mga gamit na nandoon, na wala namang halos halaga, pero pilit siyang pinapaamin ng amo sa salang pagnanakaw. Sinabi ni Panabe na dahil sa sobrang paghithit ng marijuana ay hindi natutulog ang kanyang amo ng dalawang araw na magkasunod minsan, at laging nakasigaw.
Tiningnan naman ng mga pulis ang bag, pero sinabihan si Panabe na mag-impake na para makaalis. Tinulungan pa nila ito na bitbitin ang kanyang maleta at iba pang gamit para makababa na noon din, at dinala siya sa Wong Tai Sin police station.
Pasado alas dos na ng madaling araw nang makatawag si Panabe sa kapatid na isa ring OFW sa Hong Kong, na mabilis namang humingi ng saklolo sa Facebook page ng kanyang grupong Domestic Workers Corner.
Bandang alas sais ng umaga ay hindi na ma-contact ng kapatid si Panabe kaya naisipan ng isang miyembro ng grupo na tumawag sa Wong Tai Sin police station, at nakumpirma nilang nandoon nga ang nawawalang Pinay.
Agad na sumugod sa istasyon ng pulis si Rain Tuando ng DWC para alamin ang kalagayan ni Panabe, at bandang gabi ay sinabihan siya na puwede na niyang bayaran ang piyansa sa halagang $100.
Tuwang-tuwa si Panabe nang palabasin na sa istasyon, kasama ang apat na pulis na bitbit ang kanyang mga gamit. Binigyan pa siya ng address ng isang shelter kung saan siya tutuloy, at lahat ng mga impormasyon para sa kanyang pag report muli sa istasyon.
Pinayuhan din ng mga pulis si Panabe na kasuhan niya sa Labor Department ang amo dahil wala itong ibinayad sa kanya nang bigla siyang pababain. Sinabihan din siya na pwede siyang mag-apply ng extension ng visa at malamang na payagan na kumuha ng bagong amo nang hindi muna bumabalik sa Pilipinas. Laking pasasalamat ni Panabe dahil hindi naniwala ang mga pulis sa maling paratang ng amo.
Tumuloy si Panabe sa shelter ng Konsulado, at kinaumagahan, kasama ng kapatid ay inasikaso niya ang pagsasampa ng kaso laban sa amo sa tulong ng Help for Domestic Workers.