Hindi inaasahan ni Dolor na ganoon ang magiging reaksyon ng amo dahil kahit mabunganga ito ay maayos naman ang kanilang samahan. Malapit na ding matapos ang kanyang kontrata kaya inasahan niya na papayagan siyang umuwi bilang kunsiderasyon sa kanyang maayos na pagseserbisyo.
Masakit man sa damdamin ang ginawa ng amo ay wala siyang nagawa kundi umuwi at ituloy ang balak na saksihan ang pagtatapos ng kanyang anak. Mabuti na lang at ginamit niya sa mga libreng oras sa Hong Kong sa pagsali sa mga iba-ibang pagsasanay kaya marami siyang natutunan na pwede niyang magamit sa paghahanap-buhay sa sa Pilipinas.
Dahil sa mga livelihood training na sinalihan niya ay natuto siyang mag-beading, maggantsilyo, at pati na rin kung paano magpalakad ng negosyo.
Sa ngayon ay nag-umpisa nang mangasiwa ng isang munting tindahan si Dolor sa Baguio, at malaki ang kumpiyansa sa sarili. Naging malaking tulong daw ang kanyang mga karanasan sa Hong Kong para lumakas ang kanyang loob na harapin ang mga hamon ng buhay. Si Dolor ay 46 na taong gulang at dating nagtrabaho sa pamilyang Intsik na nakatira sa Tsuen Wan. – Ellen Asis