Ni Ate Kulit
(Editor's note: This column was written a week before the actual announcement of a HK$110 increase in the minimum allowable wage for foreign domestic workers.)
Alam mong nalalapit na ang desisyon ng gobyerno ng Hong Kong tungkol sa minimum allowable wage (MAW) para sa dayuhang domestic helper (na puwedeng higitan ng mga employer kung gusto nila), dahil inililinya ng Labour Department ang ilang pampublikong mga aktibidad upang ipakita kung paano pinahahalagahan ng HK ang mga manggagawa. Tampok sa mga ito ang ginagawa ng Labor Department upang pangalagaan ang mga manggagawa, at isa na rito ay ang tanunang pagsusuri upang malaman kung ano ang magiging MAW.
Kung sana, sa mga aktibidad na ito ay malaman na rin natin ang bagong MAW para maibsan ang ating pananabik.
Halimbawa, may exhibition tungkol sa Employment Ordinance at sa Minimum Wage Ordinance sa Belvedere Square sa Tsuen Wan sa Sept. 29-30. Itinatampok rito ang mga probisyon ng batas tungkol sa mga karapatan hindi lamang ng mga lokal na manggagawa kundi ng mga domestic helper mula sa ibang bansa.
Mayroon ding isang diskusyon tungkol sa “Prevention of Upper Limb Disorders” sa Oct. 4 sa Hong Kong Central Library. Ipapakita raw dito kung ano ang sanhi ng mga sakit sa braso, na karaniwang ginagamit sa pagtatrabaho, at mga paraan kung paano ito maiisawasan.
Mayroon ding diskusyon tungkol sa “Chemicals and Occupational Health” na gagawin sa Hong Kong Space Museum sa Oct. 11. Pagtutuunan ng pansin dito ang mga kemikal na gamit sa trabaho at kung paano ito nakakapasok at nakalalason sa katawan ng mga manggagawa.
Isa ang Hong Kong sa may pinakamataas na suweldo sa mga DH sa buong mundo, at ito ay dahil sa mga nakalipas na pagtataas ng minimum na sahod na nagpatong-patong sa paglipas ng mga taon.
Hindi lahat ng taon ay may umento ang mga DH. May mga taon ding binawasan din ang sahiod nila dahil nagkaroon ng kriris sa ekonomiya. Pero generally, ika nga, itinatakda pataas ang MAW kung walang pang-ekonomiyang balakid dito.
At kung babasehan natin ang mga nakaraang umento, malamang na hindi sundin ang hinihingi ng mga grupong militante na HKD5,500 bawa’t buwan, mula sa HKD4,410.
Ang nakikita naming umento ay HKD100.
Tama kaya kami o mali?