Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Pasaway si ate

14 September 2018

Tanging mga kaibigan ang hingahan ng sama ng loob ni Jazz, dulot ng panganay niyang kapatid na kasama niyang nagtatrabaho sa Hong Kong. Kahit na panganay ang ate Minerva niya ay isip bata, waldas at mayabang, na siyang nagiging suliranin ni Jazz.

Mahilig itong umako ng mga responsibilidad na di naman kaya, tulad ng pagpapaaral sa kanilang mga pamangkin dahil wala itong sariling anak. Pero imbes pag-ipunan ang pang-matrikula ng mga ito ay ang paghahanda ng magarbo ang inaatupag, kaya pagdating ng bayaran sa eskuwela ay kay Jazz lahat ipinapasa ang obligasyon.

Lagi nitong sinasabi na abonohan na muna ni Jazz ang gastusin, at babayaran na lang siya sa araw ng sweldo. Ngunit maraming beses na itong nangyari, at ni minsan ay hindi nagkusa si Minerva na bayaran ang kapatid, hanggang lumaki na nang husto ang pagkakautang niya kay Jazz.

Dahil sa ugaling ito ng kapatiday naubos na ang pasensiya ni Jazz, lalo na nang ang perang itinabi niya na para sana pagpapatayo ng bahay para sa kanilang mga magulang ay inutang na naman ng kanyang ate at hindi binayaran.

Nang matapos ang isang linggo na hindi pa rin ito nagbabayad ay sinubukan ni Jazz na maningil, pero nagalit pa ang kapatid sa kanya. Sa galit ay nag deactivate ng account sa Facebook si Jazz at hindi sinasagot ang mga tawag ng kapatid. Kapag day-off at gustong makipagkita ng kanyang ate ay sinasabi ni Jazz na hindi siya pinalabas ng amo dahil kailangan siya.

Mahirap man ngunit tinitiis ni Jazz ang kapatid para matuto ito na hindi waldasin ang perang pinaghirapan niyang ipunin. Kaya nagpapakahirap si Jazz na mag-ipon ay gusto niyang mabigyan ng mas maalwan na buhay ang kanilang mga magulang samantalang ang panganay nila ay panay ang pagwaldas ng pera makapagyabang lang.

Sa totoo lang, wala itong ipon at ni wala man lang savings account sa bangko. Sa ngayon ay nagsisimulang mag-ipon si Jazz habang nagdarasal na sana ay magbago na ang kapatid dahil tumatanda na rin ito. Sana raw ay matuto itong maging masinop sa pera na pinaghirapan dahil hindi habambuhay ay malakas siya at nagtatrabaho sa abroad.

Si Jazz ay tubong South Cotabato, dalaga at 32 taong gulang. Naninilbihan siya sa mga among Intsik na taga Yuen Long. – Ellen Asis


Don't Miss