Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Pagnenegosyo, tinalakay sa seminar

17 September 2018

Ni George Manalansan

Marami sa mga migranteng manggagawa ang nangangarap na makawala sa pangangamuhan at maging ganap na negosyante. Sa isip ng marami, mahirap pagkasyahin ang kakarampot na suweldo, at mas maganda din na magkaroon ng tsansa na maging isang “boss” at mamuhay ng marangya.

Nguni’t hindi sapat ang pangarap para makamit ang ganitong mithiin. Kailangan, unang una, ng pagsasanay at paghahanda para mas masiguro na ang perang pinaghirapan ay hindi mauwi sa wala.

Dinaluhan ng may 75 migranteng mangagawa ang pagbibigay kaalaman at pagsasanay ng Card Hong Kong Foundation, na libre para sa OFWs. 
Ito ang tema ng panibagong entrepreneurship seminar na isinagawa ng Card Hong Kong Foundation noong ika-2 ng Setyembre sa Bayanihan Centre sa Kennedy Town, na dinaluhan ng may 75 migranteng manggagawa na karamihan ay mga babae.

Unang una sa tinalakay ng mga trainor ang mga bagay na dapat isaisip ng isang entrepreneur o negosyante, katulad ng tiwala sa sarili, pagpupursige, pagiging responsable, kakayahang makipagsapalaran, pagtukoy at paghahanap ng oportunidad, epektibong pagpaplano, pagkalap ng impormasyong makakatulong sa negosyo, pagtiyak sa kalidad ng produkto o serbisyo, at paghikayat at pag-aaruga sa koneksyon.

Ipinaliwanag din sa mga dumalo ang mga dahilan kung bakit bumabagsak ang isang negosyo, katulad ng kawalan ng disiplina at paggamit ng kapital sa personal na bagay. Ibinahagi din sa kanila ang kahalagahan ng paggawa ng business plan, at ang mga dapat gawin para manatiling tapat ang mga kostumer.

Sa pangunguna ni Vicky Munar, lead trainor ng Card, tinuruan ang mga kasapi kung paano gumawa ng business plan, bago nagkaroon ng talakayan at pagsusulit para mas lalong dumikit sa kanilang memorya ang mga habilin at leksyon.

Kabilang sa mga lumahok si Marcelino Bate, na ang asawa ay gumagawa ng tinapay at ibinebenta sa kanilang mga kapitbahay. Gusto daw nilang pag-aralang mag-asawa kung paano palakasin at palakihin ang negosyo nang sa gayon ay makauwi na siya at makapiling muli ang pamilya.

Si Rachel Letrakemia naman ay may dalawang tindahan ng sari-sari, na kasalukuyang pinamamahalaan ng kanyang kapatid. Gusto daw niyang magkaroon ng dagdag-kaalaman kung paano niya mapapalaki pa ang kanyang negosyo.

Sa pagtatapos ng pagsasanay ay masayang nagpasalamat ang mga kalahok, bitbit ang pag-asa na balang araw ay maging boss din sila ng kanilang sariling negosyo. Para sa mga susunod na programa paki- like: Card Hong Kong Foundation/ Facebook.

Don't Miss