Ayon kay Marilyn Abad, 30, isang Bisaya, noong ma- terminate siya ay kinailangan niyang magpa- storage dahil bigla siyang pinababa ng ng dating amo. Nang umabot sa tatlong buwang palugit ang mga gamit niya sa storage ay tumawag siya sa kumpanya at sinabihan siya na kailangang magmulta siya ng $2 kada araw bilang penalty. Pumayag naman daw siya na bayaran ang multa dahil hindi pa niya maempake agad ang mga gamit.
Nang magkapera siya ay agad siyang tumawag sa kumpanya para bayaran na ang kanyang mga utang at maipadala na ang kanyang mga gamit, ngunit ang sabi daw ng sumagot ay itinapon na ang mga ito.
Kwento naman ni Henlyn Sarmiento, 35, at isang Ilokana, nagpa-storage din daw siya ng mahigit isang buwan. Nang puntahan niya para i-pack ang mga gamit ay nakita niyang sira na ang sakong lalagyan ng mga ito, at wala na ang mga magagandang damit na nasa loob. Panay mga pinagpilian na lang daw ang natira.
Isang kaibigan ang nagpayo na magreklamo siya sa pulis, pero minabuti ni Henlyn na tumahimik na lang daw dahil ayaw niyang maabala pa. Pero masama ang loob niya dahil wala man lang daw humingi ng paumanhin sa kanya dahil sa nangyari, at panay turuan ang nangyari sa mga trabahador sa bodega, sa truck at sa opisina ng kumpanya.
Pati si Teresa Pabalate, 46, na Kapampangan naman, ay nawalan din. Nagpa storage siya ng mahigit isang buwan, at nang balikan niya ang mga gamit para iempake ay nawawala na. Dalawang beses daw siyang bumalik para hanapin ang kanyang mga gamit, nguni’t walang maipakita ang kumpanya, hanggang sinabihan siya na sumama sa bodega nila para siya mismo ang maghanap doon.
Hindi alam ni Tess ang gagawin dahil nawalan na siyang maghanap pang muli, kahit may deposito na siyang $50 at isang sakong damit pa ang hindi na niya makita.
Kalaunan ay tinawagan si Tess ng kumpanya at pinagawa ng sulat para ireklamo ang nawala niyang gamit. Ilang araw pa ang nagdaan bago ibinalik ang kanyang deposito na $50 at binayaran ng $500 ang nawala niyang mga gamit. – George Manalansan