Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Kathniel, umamin na may relasyon

04 September 2018

Anim na taon na ang love team na KathNiel nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla, at ang kanilang mga pelikulang pinagtambalan ay kumita ng husto sa takilya. Sa promotion ng kanilang pinakabagong pelikulang “The Hows Of Us”, ginulat nilang dalawa ang publiko sa pag-amin na limang taon na silang magkarelasyon. Bagama’t matagal nang ipinapakita ng dalawa ang sweetness nila sa isa’t isa, ngayon pa lang nila kinumpirma ang matagal nang hinala ng lahat. Ayon kay Daniel, napilitan na silang umamin dahil naubusan na raw sila ng dahilan para itago pa ito.

Masaya daw sila, at marami silang natututuhan sa isa’t isa. “ Sa personal at propesyonal, s’ya lang ang kasama ko. Happy ako ngayon,” ang sabi pa ni Daniel.

“Kung hindi mo nakikita future mo sa tao, ba’t ka magi-stay? Kami ni DJ, kapit-kamay kami kasi we see a future together,” ang sabi naman ni Kathryn. Seryoso daw ang kanilang relasyon kaya napag-uusapan na rin ang tungkol sa kasal at pagkakaroon ng pamilya, at maging ang disenyo ng kanilang bahay sa hinaharap. Ang gusto ni Daniel kapag sila ay ikinasal ay malaking church wedding, at ang kanilang fans ay maghihintay sa labas. Pero si Kathryn ay mas gusto raw ang intimate beach wedding, na ang kasama lang ay ang kanilang mga pamilya at kaibigan. Sa Pilipinas din niya gustong magpakasal dahil marami namang magagandang beach dito, at masyadong mahal daw pag magpakasal sa ibang bansa.

Hindi pa naman daw ito mangyayari agad dahil marami pa silang dapat gawin, “basta wag lang masyadong matanda” ang dugtong pa ni Daniel. Sa ngayon ay masaya rin ang kanilang kani-kanilang pamilya at mga kaibigan para sa kanila dahil parehong silang nagma-mature ng maayos at responsable pagdating sa kanilang mga trabaho. Pareho silang mababait na mga anak at kapatid sa kanilang pamilya at ayon sa malalapit sa kanila, ay hindi nagbago o lumaki ang ulo kahit sikat na sikat na sila.

Ang director ng kanilang pelikula na si Cathy Garcia Molina ay nagsabi na ang KathNiel ang magiging katulad nina Sharon Cuneta at Gabby Concepcion o Nora Aunor at Tirso Cruz III pagdating sa kasikatan bilang loveteam, na nang lumaon ay naging mahuhusay na mga artista.

LJ AT ROCHELLE, BUNTIS 
Magkasunod na nagpahayag ang mga Kapuso actresses na sina LJ Reyes at Rochelle Pangilinan na sila ay nagdadalantao.

Ibinalita ni LJ ito sa pamamagitan ng isang video sa You Tube na may pamagat na “A Pleasant Surprise” kung paano niya ipinaalam sa kanyang anak na si Aki ang kanyang kundisyon, na sa bandang huli ay ipinakita pa niya ang kopya ng sonogram (imahe ng internal organs na mula sa ultrasound) ng kanyang tiyan. Hindi agad napaniwala si Aki, 8, (anak ni LJ sa Kapamilya actor na si Paulo Avelino), kaya tumulong pa si Paolo Contis na ipaintindi sa kanya na totoong buntis ang mommy niya. 

Ibinahagi rin ito ni Paolo sa Instagram:  ”YES WE ARE! God has blessed us with the perfect gift and we couldn’t be happier! We want to thank our families and friends who are as excited as we are. And to you @lj_reyes ... When we became a couple 3 years ago, I felt so lucky!With all the problems I had,  all the baggage I carry, you still accepted me and became my partner and strength. Yes, we do have our bad days (dahil matigas ang ulo ko) but we always manage to be okay and happy...And now that we are expecting... I promise to be beside you all the way. You will never ever be alone. Thank you for everything my love! Mahal na mahal kita! We feel so happy and blessed and we just can’t help but share this great news with everyone. Now, let’s celebrate!!” #BabyContis2019"

Apat na buwan nang buntis si LJ sa kanilang magiging anak ni Paolo, na tatlong taon na niyang karelasyon. Ito ang magiging pangalawa niyang anak, at pangatlo naman kay Paolo, na may dalawang anak na babae, sina Xonia at Xalene, sa dati niyang asawang si Lian Paz, na may iba na ring pamilya ngayon at naninirahan sa Cebu.

Samantala, masayang ibinalita rin kamakailan ni Rochelle Pangilinan at asawang si Arthur Solinap na magkakaroon na sila ng anak. Ito raw ang pinakamagandang regalong natanggap nila pagkatapos nilang ipagdiwang ang kanilang first wedding anniversary noong August 3.

Tatlong buwan na ang ipinagbubuntis ni Rochelle at marami na raw siyang nararanasang pagbabago, kabilang ang mga nakakahiligan niyang kainin ngayon, na dati ay hindi niya gusto, gaya ng hamburger. Matiyaga rin siyang inaalalayan ni Art, gaya ng pagbibigay sa kanya ng salabat tuwing gabi, na nakakatulong upang maibsan ang morning sickness niya. Naaawa daw siya minsan sa asawa niya pag nag-crave siyang kumain ng pagkaing gusto niyang kainin dahil uutusan niya itong bumili gaya ng Chowking siopao o kaya’y lugaw. Ayaw din daw niyang nakikita si Art, at ayaw ding maamoy ang pabango nito, pero gusto niya itong tinatawagan para marinig lang ang boses. Dahil dito, marami ang humuhulang magiging kamukha ng anak nila ang ang tatay nito, na hindi masama dahil guwapo, matangkad at mestizo si Art.

Pinayagan din ng kanyang doctor na magtrabaho pa si Rochelle, kaya nagagampanan pa niya ng maayos ang role niya sa TV series na “Onanay”. Buti na lang daw at hindi kontrabida ang kanyang papel kaya magaan ang kanyang pagtatatrabaho. Pwede pa rin daw siyang magsayaw basta’t hindi ito “buwis-buhay” at may exercises pa rin sa gym na puwede sa kanya.

REGINE, LILIPAT SA ABS CBN?
Malakas ang bulung-bulungan na lilipat na sa ABS CBN si Regine Velasquez pagkatapos ng kanyang show na The Clash ng GMA Network. Magtatapos na sa Sept 30 ang show na isang singing contest, na hino-host ni Regine. Balitang hindi na magre-renew ng kontrata si Regine, at katunayan ay nagpaalam na rin daw ito sa mga kasamahan sa isa pa niyang show na “Sarap Diva”. Tatapusin na lang daw niya ang natitirang episodes nito, bago magpaalam ng tuluyan.

Ilang beses na ring napabalitang lilipat si Regine tuwing magtatapos ang kanyang kontrata sa Kapuso network, pero ngayon ay tila tuloy na tuloy na ito. Isang malaking dahilan marahil ay upang makasama na niya sa isang bakuran ang kanyang asawang si Ogie Alcasid, na ngayon ay muling gumanda ang career dahil muli siyang nabigyan ng pagkakataon na balikan ang kanyang unang hilig, ang pag-awit. Kaya naman naging malaking tagumpay ang kanyang katatapos na anniversary concert, na sinuportahan din ni Regine, mga anak, at matatalik na kaibigan. Bukod dito, lagi pa rin siyang napapanood sa ibang Kapamilya shows, gaya ng ASAP, It’s Showtime, ang katatapos na Your Face Sounds Familiar Kids, at sitcom na Home Sweetie Home.

Nami-miss na rin marahil ni Regine ang umawit at magkaroon ng musical show, dahil mula nang nawala ang musical show na SOP ay wala nang outlet ang mga Kapuso singers. Marami siyang mga dating kasamahan at kasabayang singers ang napapanood pa rin sa ASAP at sa mga shows sa ibang bansa na sa hinaharap ay maari rin niyang makasamang muli.

Nanaisin din siguro ni Regine na muling makagawa ng pelikula, dahil sa ngayon ay isa ang Star Cinema sa mga iilang natitirang film companies na masipag pa ring gumawa ng pelikula.

Sa ngayon, mag-aabang-abang na lang muna ang mga fans ni Songbird kung ano at saan ang susunod niyang project.

PAULO BILANG GREGORIO  DEL PILAR
Excited na si Paulo Avelino dahil mapapanood na sa mga sinehan sa Sept 5 ang kanyang pinakamalaking pelikulang nagawa, ang “Goyo, Ang Batang Heneral”. Gagampanan niya ang papel ng bayani at pinakabatang heneral noong panahon ng digmaan na si Gen. Gregorio del Pilar, na kilala noon sa palayaw na Goyo.

Ito ang pangalawa sa tatlong pelikula na tungkol sa mga bayaning Pilipino sa direksyon ni Jerrold Tarog. Nauna nang ginawa ang Heneral Luna noong 2015 na kumita ng husto kaya nakabawi ang mga producer sa malaking pera na nagastos dito.

Dahil sa tinamo nitong tagumpay ay naglakas-loob muli ang mga producer nito na gumawa pa ng dalawang pelikula, itong Goyo, Ang Batang Heneral; at ang pangatlo na gagawin pa lang, ay tungkol sa dating pangulong Manuel Luis Quezon, na pagbibidahan naman ni Benjamin Alves.

Ang mga producer ay ang TBA Studios, Artikulo Uno at Globe Studios.

Ang iba pang artista sa Goyo ay sina Gwen Zamora bilang Remedios Nable, na girlfriend ni Goyo; Arron Villaflor bilang Joven Hernando, na siyang nagkukuwento; Rafa Siguion Reyna bilang kapatid ni Goyo na si Col. Julian; Carlo Aquino bilang Col. Enriquez na best friend ni Goyo; Mon Confiado bilang Emilio Aguinaldo; Epy Quizon bilang Apolinario Mabini; Alvin Anson bilang Gen. Jose Alejandrino; Empress Shuck bilang Felicidad Aguinaldo; Che Ramos bilang Hilaria Aguinaldo; RK Bagatsing bilang Dr. Simeon Villa;  Matt Evans bilang Lt. Carrasco; Benjamin Alves bilang Manuel Quezon; at marami pang iba.

Sa panayam kay Paulo kamakailan, sana raw ay kumita rin ang Goyo para magkaroon muli ng pondo para sa susunod pang historical movie na gagawin.

Sinabi rin niya na napagod siya ng husto kaya gusto muna niyang magkaroon ng break o mahaba-habang bakasyon pagkatapos ng sampung taong paggawa ng pelikula at sunud-sunod na TV series. Pero hindi pa rin ito mangyayari agad dahil kahit pinatay na ang karakter niya sa Asintado ay kasama na naman siya sa isa pang TV series na General’s Daughter na pagbibidahan ni Angel Locsin at malapit nang mapanood.

Don't Miss