Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Kapag tumaba...

08 September 2018

Isang sulyap lang sa Facebook ay mapagtatanto natin na marami sa mga OFW sa Hong Kong ay tumataba, o kung hindi man, ay nag-”gain weight”. Wala namang masama dito. Nagpapakita lamang na masarap ang pagkain natin, at masarap talaga tayong kumain.

Magkakaproblema lang kung, sa paghahangad na mabalik sa dati nating kaseksihan, ay kung anu-ano ang ating inumin, kahit pa ito ay nakasasama.

Sa tagal namin ditio sa Hong Kong ay kung anu-ano nang paraan ng pagpapayat ang nauso. Kung epektibo nga sila, bakit lumubog-lumitaw lang sila sa paglipas ng panahon?

Ang pinakamakamandag ay ang mga “gamot” kuno na iniinom.

Natatandaan mo pa ba, halimbawa, ang Thai slimming pills? May kakilala kami na imbes pumayat ay lalong tumaba dahil dito. Mayroon namang tinamaan ang atay at naospital nang mapansin na ang balat niya ay naninilaw, dahil may sangkap pala itong lason.

Ang pinakabago ngayon ay ang Susuya. Nagiging popular ito dahil high-tech kung bilhin, ika nga, dahil makikita ang nagbebenta nito sa internet. At dahil nga high-tech, ipinagmamalaki pa ng mga umiinom nito na sila ay nagpapa-slim sa pamamagitan ng pag-inom nito —na para bang ito ay status symbol na nakakaengganyo sa iba.

Puwes, may masamang balita kami para sa kanila: Nagpalabas na ng warning ang Department of Health (DH) laban sa produktong ito.

Sinabi ng DH na may sangkap itong Sibutramine na isang lasong pampasuya sa pagkain at naka-ban sa Hong Kong mula pa noong 2020 dahil nagsasanhi ito ng sakit sa puso, at Bisacodyl na isang pampatae na nagsasanhi ng sakit ng tiyan.

Maliban sa warning na pangkalusugan, sinabi ng DH na kung mahuli kang nagbebenta ng Susuya, maaari kang parusahan ng multang $100,000 at pagkakakulong ng dalawang taon.

Kaya mga ate, kung gusto nating magpapayat, gawin ito nang tama upang hindi tayo mapahamak. Ibang usapan na, ika nga, kung kalusugan natin ang nakataya.

Simple lang ang natural na paraan upang makamtan ang gusto nating pigura: ang pagbawas ng kinakain (o ang pagkain ng mas maraming gulay) at pagbabanat ng buto sa pamamagitan ng ehersisyo.

Don't Miss