Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Illegal na singil ng ahensiya, isang ugat ng ‘debt trap’

18 September 2018

Ni Vir B. Lumicao

Muling umagaw ng pansin ang usaping utang nang mahuli ng mga pulis ang isang matandang taga-Hong Kong at ang kanyang katulong na Pilipina sa isang operasyon noong nakalipas na buwan laban sa mga nagpapautang na labis-labis ang patubo.

Mahigit 400 pasaporte ng Pilipinas ang nasamsam sa bahay ng nagpapautang sa North Point, at ilan sa mga iyon diumano ay matagal nang paso. Ibig lang sabihin na malaon na ring nasa ganoong negosyo ang nahuling “loan shark”.

Ang mga nasamsam na pasaporte sa operasyong iyon sa North Point at ang daan-daan pang mga pasaporteng nabawi ng mga pulis sa iba pang mga katulad na operasyon sa Mongkok at Tsuen Wan nitong nakaraang isang taon ay nagpapakita lamang ng kung gaano kalalim ang pagkakahilig ng mga kababayan natin sa pangungutang.

Maging si Consul General Antonio Morales ay nababahala sa pagkakabaon sa utang ng mga manggagawa nating narito sa Hong Kong.

“Ang isa nating laging paalala ay yung sa pautang-utang din dahil hindi naman maiiwasan, talagang nangungutang ang ating mga kababayan. Nagigipit. Yung iba siguro sa illegal lender pa umuutang dahil siguro may utang na siya sa regular o kaya mas mas konti ang requirement. Pero kailangang laging paalalahanan sila. Sobrang laki ang interest doon,” ani Congen Morales.

Maraming dahilan kung bakit nababaon sa utang ang mga kapwa nating manggagawa. Isa rito ang pangangailangan ng pera ng mga mahal nila sa buhay sa Pilipinas.

Ang akala kasi ng mga naiwan doon, basta sa ibang bansa nagtatrabaho ang isang kapamilya ay malakas ang kanyang kita. Sa isip nila ay winawalis lang ang pera rito sa ibang lugar. Kaya maya’t maya’y humihingi sila ng pera o magpapabili ng kung anu-ano.

Ang isa pang dahilan ng pagkakabaon sa utang ay ang pagsusugal. Kahit bawal ito sa Hong Kong, maliban sa pinahihintulutang uri ng sugal tulad ng karera ng kabayo at Mark Six na isinasagawa ng Hong Kong Jockey Club, nagagawa pa rin ng mga kababayan natin ang magsugal kapag araw ng pahinga nila.

Sa mga tambayan ng mga OFW sa Central at iba pang mga lugar ay makikita mo ang mga pangkat ng manggagawang naglalaro ng pusoy at kung anu-ano pang larong baraha.

Kahit sa mga tulay malapit sa konsulado ay may ilang mga grupong nagbabaraha, at may panahon pa noon na lantaran ang pagtataya nila ng tig-$500 sa bawat laro. Kapag kumikilos ang mga pulis laban sa mga kababayan nating sugarol ay nawawala ang mga ito, o patago silang tumataya.

Ayon sa ilang nakakaalam, sa cellphone naman daw inililista ang mga panalo at talo at mga taya. Hindi na sa kapirasong papel o notebook na itinatago ng mga nagsusugal sa ilalim ng inuupuan nilang nakalatag na karton.

Mayroon ding nababaon sa utang dahil natutuksong bumili nang bumili ng mga damit at iba pang mga gamit o bagay kapag nakikitang “sale” ang mga ito sa mga tindahan. Dahil hindi makapagtimpi ay nauubusan ng pera ang isang OFW at napipilitang mangutang.

Isang dahilan marahil ng pagkakalugmok sa utang ay ang pagdadala ng employment agency sa OFW sa lending company sa unang araw pa lang niya rito. Doon ay ikukuha siya ng loan, papipirmahin sa kasunduan, ngunit sa ahensiya mapupunta ang pera.

Sapilitan ang ganitong pangungutang na ipinaaako ng mga ahensiya sa mga bagong-salta at nagiging dahilan tuloy ng pagkakalubog nila sa utang. Ang iba, sa kamalasan, ay nasisisante pagkaraan ng ilang araw o linggo pa lamang sa amo ngunit sinisingil pa rin ng lending company.

Ilan nang kasambahay na may ganitong karanasan ang dumulog sa amin dahil nagkaproblema sa utang sanhi ng pananamantala ng mga ahensiya. Natitiyak naming daan-daang OFW rito sa Hong Kong ang dumanas din ng ganito.

Ito ay isang bagay na dapat halungkatin ng mga kinauukulan sa Pilipinas at dito sa Hong Kong na maaaring dahilan ng pagkakabaon sa utang isang OFW bago pa lang siya makapagsimula sa trabaho.

Sinabi ni ConGen Morales na kakasuhan ng Konsulado ang mga ahensiyang may ganitong illegal na gawain, kailangan lang na may mga biktimang handang tumestigo laban sa mga nagsamantalang ahensiya.     

Anuman ang dahilan ng pagkakabaon sa utang, dapat maging matapang ang nasa ganyang kalagayan na tukuyin ang ugat nito at makipagtulungan sa mga awtoridad upang mapuksa ang ugat, at makalaya siya sa tinatatawag na “debt trap”. 

Don't Miss