Dahil sa takot ay sinagot niya ito ng “No”, gayong alam niya na may pinahiram siya ng kanyang pasaporte para gamitin ito sa pangungutang. Dali-dali niyang tinawagan ang kanyang kaibigan na nanghiram ng kanyang pasaporte, at doon niya nalaman na nahuli ng mga pulis ang “kuya” na pinagsanlaan nito ng passport niya noong nakalipas na araw, ika-13 ng Agosto, sa North Point.
Agad-agad niyang tinawagan ang tinawag nitong “kuya” na isang Intsik, pero hindi na nag-ring ang telepono nito. Ayon sa balita, hinuli ang Intsik at pati ang katulong nito na isang Pilipina din dahil sa pagpapautang na ang tubo ay umaabot sa 120 percent, doble sa legal na interes.
Tarantang taranta si Rosemary at hindi malaman ang gagawin. Iyon ang unang pagkakataon na pumasok siya sa ganoong transaksyon, na hindi pa siya mismo ang nangangailangan.
Kung tutuusin, maliit lang naman ang perang kailangan ng kaibigan niya at marami naman itong kakilala na pwede niyang malapitan para mangutang, pero hindi niya alam kung bakit agad siyang nagpadala sa pakiusap nito.
Mabuti na lang at wala sa Hong Kong ang mga amo niya na kapwa guro dahil umpisa na ng bakasyon ng mga estudyante, kaya agad siyang nakapunta sa Konsulado para humingi ng payo.
Pagkatapos siyang pakinggan ni Danny Baldon ng assistance to nationals section ay sinabihan siyang gumawa ng salaysay, at saka pinag-affidavit para makuha niya ang bagong pasaporte niya na nakatakdang ilabas sa ika-3 ng Setyembre.
Kailangan kasi na ipakita ang lumang pasaporte bago ibigay ang bago. Tinanong ni Rosemary ang opisyal kung nai-report na sa kanila ang mga pangalan ng mga nagsanla ng pasaporte, at sinabi sa kanyang hindi pa.
Gayunpaman, hindi na rin naman maibabalik ang mga nasamsam na pasaporte dahil gagawin itong ebidensya kapag kinasuhan na si Edgar na usurero, at pati ang katulong nitong Pilipina na ayon sa pulis ay tumutulong na kumuha ng kliyente para dito.
Tinawagan ni Rosemarie ang isa pang tumulong sa kanya at tinanong kung kokontakin daw ba ng mga pulis ang kanyang amo para sabihing isinanla niya ang kanyang pasaporte. Saka lang siya nakahinga ng maluwag nang sabihin na malamang na hindi dahil pribabong transaksiyon naman ang pangungutang, at tanging ang mga kolektor lang naman ang laging nagsusumbong sa amo para pilitin ang isang katulong na magbayad.
Gayunpaman, nangako si Rosemarie sa sarili na hinding hindi na niya gagamitin o ipapagamit ang pasaporte sa iba, sa pangungutang man o sa iba pang bagay. Ayon na rin sa payo sa kanya, ang pasaporte ay pag-aari ng pamahalaan ng Pilipinas, at hindi dapat ipagamit ng isang pinagkalooban lang nito.
Nakatulong din ang nangyari para mapagtanto niya na ang isang tunay na kaibigan ay hindi gagawa ng anumang ikakapahamak niya. - Rodelia Villar