Sa unang mga araw niya sa Hong Kong ay halos hilahin ni Ruth ang mga oras, at walang gabi na hindi siya umiiyak. Tuwing umaga ay laging namumugto ang kanyang mata kaya panay ang tanong ng kanyang amo ng “Is there something wrong with you?” Lagi namang “Nothing ma’am” lang ang sinasagot niya.
Bunso siya sa kanilang magkakapatid at hindi kasi siya sanay na malayo sa kanyang pamilya, lalo na sa kanyang ina.
Mabuti na lang at may mga naging kaibigan siya na humikayat sa kanya na mag miyembro ng kanilang “spiritual community” upang siya ay malibang at mapawi ang kanyang homesickness. Ito ang nakatulong ng malaki para maibsan ang kanyang pangungulila.
Tuwing araw ng Linggo ay masaya silang nagtitipon-tipon, at lubhang kinasabikan ni Ruth ang kanilang mga gawain, lalo na ang bible study na nagpatibay ng kanyang pananampalataya at pananaw sa buhay. Pagkatapos ng kanilang mga gawain sa simbahan ay masaya silang nagsasalo-salo at nagkukwentuhan.
Ngayon ay malapit nang matapos ang kontrata ni Ruth, at balak niyang pumirma ng panibago dahil mabait ang kanyang mga amo at sanay na rin siya sa buhay at trabaho niya sa Hong Kong. Si Ruth ay dalaga at tubong Negros at kasalukuyang nangangamuhan sa mag-asawang Intsik na may isang anak at naninirahan sa Cheung Sha Wan. – Ellen Asis