Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Card HK, pinaigting ang talakayan kontra utang

08 September 2018


Ni George Manalansan

Dahil parang sakit na pabalik-balik ang problemang utangan sa hanay ng mga migranteng manggagawa sa Hong Kong, nagpasya ang Card Hong Kong Foundation na mas palalimin pa ang isinasagawa nilang talakayan tungkol ditto.

Nangyari ito sa pinakahuling financial literacy workshop na kanilang isinagawa noong ika-26 ng Agosto sa Bayanihan Centre sa Kennedy Town.
Mahigit 70 and sumali sa usapin tungkol sa pera na isinagawa ng Card HK 
Ito ang ika-50 sesyon ng pagsasanay tungkol sa pananalapi na ibinabahagi ng libre ng Card Hong Kong para sa mga overseas Filipino workers o OFW.

Ang mga kalahok ay tinuruan ng mga dapat nilang malaman upang maiwasan ang panganib na dulot ng pangungutang, kabilang ng kung ano ang sagutin ng isang “guarantor,” at kung paano kuwentahin ang interes na ipinapataw sa utang. Sinabihan sila na ang legal na interes sa Hong Kong ay hindi dapat lumampas sa 60 porsiyento kada taon; kaya yung mga tinatawag na “five-six” na bale 120 porsiyento ang lumalabas na tubo, ay illegal.

Ipinaalala din sa kanila na bawal isanla ang kanilang mga pasaporte at kontrata sa pinagkakautangan, at posibleng malagay pati ang kanilang trabaho sa alanganin kapag pumayag sila sa ganitong kundisyon. Hindi kasi basta-basta pinapayagan ang mga nagsasanla ng pasaporte na makakuha kaagad ng kapalit nito sakaling ito ay makumpiska ng mga pulis sa mga illegal na nagpapautang.

Dapat din nilang alalahanin na malaki ang halagang napupunta sa pagbabayad ng interes, kaya kung hindi naman talagang kailangan ay hindi sila dapat mangutang, gaano man kadaling gawin ito sa Hong Kong.

Mayroon din naman mga “good debt” na ipinaalam sa kanila, at ikinumpara dito ang mga “bad debt” o ang hindi wastong pangungutang.

Tinalakay din ng tagapagsanay ang ilang gabay sa panghihiram, gaya ng pag-alam kung may kakayahang bayaran ang inutang, at pati ang epekto nito sa pamilya at kaibigan. Tinalakay din ang iba-ibang klase ng pangungutang, katulad ng panghiram sa kamag-anak, sa lending company, sa pawnshop, gamit ang credit card, o para makabili ng bahay.

Ang importante, aniya, ay gawin ang lahat ng makakaya para makalaya sa utang at nang mabago nang tunay ang kanilang kalagayan sa buhay, kasama na ang kanilang pamilya.
Ang lumalalang problema sa utangan ang isa sa mga pinagtuunan ng pansin sa workshop
Laking tuwa naman ng mga sumali sa libreng pagsasanay, katulad ni Analiza Esmeralda, na nagsabing gusto niyang matuto kung paano niya mahahawakan nang maigi ang kanyang kita para “mabawasan man lang ang mga utang ko ng unti- unti.”

Plano naman ni Rosalie de los Reyes na umuwi na pagkatapos ng hindi lalampas sa apat na taon, matapos ang 16 na taong pagtatrabaho sa Hong Kong. Kahit wala na daw siyang utang ngayon ay wala din siyang ipon.

Sana noon pa ako nakadalo sa financial literacy workshop,” ang sabi ni Rose na may panghihinayang.

Para sa mga gustong sumali sa mga susunod na pagsasanay ng Card Hong Kong, tumawag lamang sa numero 9529 6392/ 5423 8196/ 9606 8810. Mag “like” din sa Facebook page ng Card Hong Kong Foundation para sa mga karagdagang impormasyon at balita.

Don't Miss