Pagkatapos niya ng elementarya ay napilitan siyang mamasukan bilang kasambahay sa isang mayamang angkan sa kanilang bayan sa Legazpi. Magsasaka ang kanyang ama at hindi sapat ang kinikita para sila ay makaraos sa araw-araw, kaya kinailangan ni Lanie na magtrabaho agad upang makatulong sa mga magulang na paaralin at buhayin ang mga kapatid.
Taong 2001 nang siya ay umalis ng Pilipinas upang magtrabaho sa Singapore at nang kalaunan ay lumipat ng Hong Kong. Simula ng siya ay mag abroad ay ibinuhos niya ang oras sa pagtataguyod sa mga magulang at mga kapatid na pawang nakapagtapos at ngayon ay may kanya-kanya nang pamilya.
Bandang huli, siya lang sa kanilang limang magkakapatid ang hindi nakatikim tumanggap ng diploma. Ngunit hindi ito naging sagabal para mawala ang hangarin ni Lanie na makapag-aral muli.
Kamakailan ay sumali siya sa isang programa na nagtuturo sa mga dayuhang kasambahay ng kanilang mga karapatan sa ilalim ng batas ng Hong Kong sa pamamagitan ng mga senminar. Layon ng programa na ang pagtuturo ay ginagawa sa University of Hong Kong na bigyan ng boses ang mga kasambahay, at magkaroon ng positibong pananaw at kaalaman tungkol sa kanilang kalagayan.
Pagkatapos ng ilang buwang pagsasanay ay gagawaran ng patunay ng pagtatapos ang lahat ng mga sumailalim sa pagsasanay. Si Lanie ay isa sa mga tumanggap ng patunay ng pagtatapos sa isang pasinaya na idinaos sa nakaraang buwan ng Hulyo.
Tuwang tuwa siya dahil kahit na hindi natupad ang pangarap niyang makapagtapos sa Pilipinas ay nakapasok siya at nakatanggap ng diploma mula sa pinakatanyag ng unibersidad ng Hong Kong. Ayon pa kay Lanie, sino ba ang mag-aakala na sa edad niya na halos 50 na ay makakapag-aral pa siyang muli?
Si Lanie ay tubong Bicol at apat na taon nang naninilbihan sa mag-asawang Intsik na nakatira sa Kennedy Town. – Ellen Asis