Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Super hero Alden, nag-rate agad sa manonood

13 August 2018

Nagsimula na ang pagganap ni Alden Richards sa action–adventure series na “Victor Magtanggol”, ang pinakamalaking TV series ng GMA Network, bilang isang super hero, na ang kuwento ay base sa Norse mythology. At agad nagrating ang show,

Hindi daw ito kinopya sa Hollywood movie na “Thor”, bagamat ang costume niya ay may pagkahawig kay Thor, na may kapa at may mahiwagang maso o hammer. Pero ang mga pangunahing karakter sa Thor na magkapatid na sina Thor at Loki ay bahagi sa pagsisimula ng kuwento, kung paano napunta kay Victor Magtanggol ang armor at hammer ni Thor, at kapangyarihan nito, na ia-akma ang kuwento sa kasalukuyang panahon.

Bilang paghahanda sa pagiging ganap na action star, sumailalim sa matinding workout sa gym at martial arts training si Alden, na sinabayan niya ng pagda-diet upang mapaganda ang kanyang katawan. Mataas din lagi ang energy level niya dahil nasanay na siyang gumagawa ng mga bagay ng sabay sabay, gaya nang paglabas-labas sa Eat Bulaga, at paglalagare sa iba’t ibang commitments. Nag-eenjoy naman daw kasi siya sa kanyang trabaho at gusto niya ang kanyang mga katrabaho.

Masaya daw siya sa paggagawa ng action scenes at lalo na sa kinalabasan ng mga nagawa na nila dahil talagang ginastusan ito ng malaki ng GMA. Kinunan ang ilang mga eksena sa Canada at Japan

Katambal ni Alden si Janine Gutierrez, na kasalukuyang tumatanggap ng pang-aalipusta sa mga die hard AlDub fans dahil para sa kanila, si Maine Mendoza lang ang nababagay kay Alden. Kasama rin nila sina Andrea Torres, John Estrada, Connie Reyes, Al Tantay, Freddie Webb, Benjie Paras, Christian Bautista, at marami pang iba, sa direksyon ni Dominic Zapata. 

Sinugalan ng Kapuso network ang Victor Magtanggol, sa pag-asang mapapataob na nila sa wakas ang  “Ang Probinsyano” ni Coco Martin, na halos tatlong taon nang namamayani sa prime time TV.

Pagkatapos nh premiere ng Victor Magtanggol noong July 30, pinagkakaabalahan naman ni Alden ang preparasyon para sa concert niyang “Adrenaline Rush” na gaganapin sa Sept 21 sa Kia Theatre.

KRIS AT VICE, NAGBATI
Nagkabati na ang dating magkaibigang sina Kris Aquino at Vice Ganda, matapos ang mahaba-habang panahon na hindi pag-uusap. Nangyari ito nang bumili ng maraming ticket si Vice sa Trinoma, kung saan palabas ang “I Love You Hater” movie, dahil wala daw available na sinehan para sa block screening. Nang malaman ito ni Kris, sumugod sila ng anak na si Bimby sa Trinoma sa gitna ng malakas na ulan, upang personal na magpasalamat kay Vice at sa  mga kaibigan nito sa pagtangkilik sa kanyang pelikula. Ang mga bidang sina Julia Barretto at Joshua Garcia ay dumating din upang magpasalamat.

Mahigpit na nagyakapan sina Vice at Kris nang magkita, at maging si Bimby, na naging malapit din dati sa komedyante ay tuwang-tuwang yumakap din. Napaluha si Kris sa tuwa, dahil na-miss daw nito ang kaibigan, at napasaya rin nito ang anak. Nagkatampuhan daw ang dalawa nang hindi napaunlakan ni Kris ang hiling ni Vice na mag-guest sa nakaraang Manila Filmfest entry nitong Gandarrapido: The Revenger Squad.

Bago nangyari ito, nag-emote si Kris sa social media na siya ang dapat sisihin kung sakaling mahina sa takilya ang ILYH, kumpara sa mga naunang pelikula nina Julia at Joshua.

Agad na kumilos ang ilang kaibigan ni Kris at kabi-kabila ang nagpa-block screening na nagpalakas sa kita nito sa takilya. Na-touch si Kris sa biglang pagdating nina Kim Chiu at Angel Locsin upang suportahan ang pelikula, kaya napatunayan daw niyang tunay na mga kaibigan ang mga ito.

Bukod pa dito, nagkabati na rin sina Kris at ang kanyang kuya, ang dating presidenteng Noynoy Aquino, na ilang buwan ring hindi nag-usap. Nagpakumbaba daw si Kris na tawagan ito upang humingi ng tulong para mapakalma ang panganay na anak niyang si Joshua, na noo’y nasa ospital dahil sa “severe acid reflux at ulcers”, at nag-aalburuto. Hindi daw kayang pigilan ito ng mga nars kapag kinukunan ng blood sample at iba pang procedures, gaya ng colonoscopy. Si PNoy ang naisipang lapitan ni Kris dahil naging father figure ito kay Joshua noong madalas itong naiiwan noon sa bahay ng lola niya at ng binatang presidente sa Times St.

Nang makauwi na si Joshua, dinalaw naman siya ni Willie Revillame, at dinalhan ng Wowowin jacket. Ayon kay Kris paborito daw talaga ni Joshua si Willie at laging pinapanood ang show nito. Tuwang tuwa ang panganay ni Kris nang ipasyal siya ni Willie sa paligid ng subdivision nila, sakay ang magarang pulang sports car niya. Balitang pinag-uusapan na rin nina Kris at Willie ang project na pagsasamahan nila.

 Samantala, ibinalita ni Kris na imbitado siya sa premiere ng Hollywood movie na “Crazy Rich Asians” , kung saan ay nagkaroon siya ng special participation. Gaganapin ito sa TCL Chinese Theatre sa Hollywood sa Aug 7, at ipapalabas ito sa mga sinehan simula sa Aug 15.

DANIEL, OUT NA SA MARAWI MOVIE
Nanghihinayang ang Kapamilya actor at si Piolo Pascual sa hindi pagkakasali ng sikat na young star na si Daniel Padilla sa ginagawa nilang pelikula na  tungkol sa Marawi, na may pamagat na “ Children of the Lake”. Hindi na raw nila pwedeng hintayin si Daniel, na ngayon ay abala sa ginagawa nitong pelikulang “ The Hows of Us”, dahil nakatakda nang linisin ang lugar na pagkukunan nila ng eksena, kaya kailangan nilang mag-apura. Ang baguhang aktor na si Marc Felix ang mapalad na napili para pumalit kay Daniel.

Maliban kay Piolo at Marc, ang iba pang artistang kasali sa pelikula ay sina Robin Padilla, Mylene Dizon, Jasmine Curtis-Smith, Sid Lucero, Ronnie Quizon, Mark Anthony Celebrado, Jess Mendoza, Mariam Zimadar at Ronnie Lazaro. Ito ay sa direksyon ni Sheron Dayoc, at produced ng Spring Films nina Piolo at Director Joyce Bernal. Ang kabuuan ng pelikula ay kukunan sa Marawi, dahil totoong kuwento ito ng nangyaring kaguluhan doon at ang mga naging karanasan ng mga taga-Marawi. Ang target date nilang maipalabas ito ay sa May 2019, na anibersaryo ng giyera sa Marawi, o sa June 2019, bilang independence day presentation.

Ayon kay Piolo, US$1million ang budget ng pelikula, at nakikipag-usap pa sila sa ibang ahensya ng gobyerno at ibang sponsors para mabigyan sila ng suporta. Ang post production ng pelikula, na isang war movie,  ay gagawin daw sa ibang bansa kaya malaking pera ang kanilang kailangan. Ang lahat ng kikitain ng pelikula ay mapupunta sa “Tindig Marawi”, na ang malilikom na pondo ay ilalaan para sa rehabilitasyon ng siyudad na winasak ng giyera.

CARLA AT TOM, MAY LOTE PARA SA DREAM HOUSE 
Sigurado na raw si Tom Rodriguez na ang kapwa niya Kapuso na si Carla Abellana na ang gusto niyang mapangasawa. Napag-uusapan na rin daw nila ang kasal, pero sa ngayon ay wala pa silang petsang napili. Malabo daw itong mangyari sa taong ito dahil marami pa silang tinatapos na commitments.

Inamin din ni Tom na may nabili na silang lupa para sa ipapatayo nilang bahay, kaya naka-check na ito sa kanilang bucket list.

Sa ngayon ay abala pa si Tom sa pagtatapos ng TV series na The Cure na pinagbibidahan nila ni Jennylyn Mercado, at ginagawa din niya ang horror film na “Maledicto” kung saan katambal niya si Jasmine Curtis-Smith.

Si Carla ay abala rin sa bagong TV series na malapit nang mapanood, ang “Pamilya Roces”, sa direksyon ni Joel Lamangan. Makakasama ni Carla sina Gabbi Garcia, Jasmine Curtis-Smith, Gloria Diaz, Elizabeth Oropesa, Gloria Diaz, Christian Bautista, Rocco Nacino, Snooky Serna, Teresita Marquez at Roi Vinzon.

LIZA, GUSTONG MAGING LAWYER
Kahit abala sa kanyang mga showbiz commitments, hindi pa rin nakakalimutan ng Kapamilya star na si Liza Soberano ang kanyang pangarap na makapagtapos ng kolehiyo. Nagtapos siya ng high school noong 2014 sa St Patrick’s School sa Quezon City, at kahit naantala ang pag-aaral niya, ay pursigido siyang bumalik ulit sa eskuwela. Naka-enrol siya ngayon sa INNOVE Education Solution Program ng Southville International School and Colleges, sa kursong BS Psychology.

Noong bata pa siya at nakatira at nag-aaral sa Amerika, pangarap na daw niyang maging isang lawyer, o abogado. Kung hindi daw siya nag-artista ay libre daw sana siyang nakapag-aral sa military sa Amerika dahil sa kanyang lolo na nasa US Army. Pero dahil hindi na puwede, mag-aaral muna siya ng psychology ngayon, at balang araw ay gusto pa rin niyang ituloy ang pag-aaral ng batas.

Ang kanyang ka-love-team at balitang boyfriend na si Enrique Gil, ay nauna nang nag-enrol sa Southville International School, na affiliated sa Foreign Universities (SISFU), noong nakaraang taon. Ang iba pang artista na nag-aaral din sa naturang kolehiyo ay sina Jodi Sta Maria (Psychology) at Coleen Garcia.

Sina Liza at Enrique ay napapanood gabi-gabi sa TV series na “Bagani”. Patuloy pa rin ang martial arts training ni Liza para sa pelikulang “Darna”, at nakapag-umpisa nang kunan ang kanyang mga eksena bilang Narda.

Don't Miss