Ang dating positibong mag-isip na si Noemi ay nagsabing parang nagsasawa na siya sa araw araw na pag-aalaga sa mga alaga, paglilinis ng bahay, pagliligpit ng mga kalat, pagluluto, pamamalengke at pamamalantsa.
Naunawaan naman ng kanyang kaibigan ang kanyang mga hinaing, pero pinayuhan siya ng ganito: “Isipin mo na lamang kaibigan na ang bawat pinupulot mong laruan at inililigpit mo ay nagkakahalaga ng 50 dolyar, mawawala na yang kapaguran mo at magiging inspired ka ulit. Gaya ko, araw araw na naghihila ako ng kung ano ano, nagbubunot ng damo,nagdidilig ng maraming halaman, depende sa utos ng amo ko, pero di ako napapagod at nayayamot dahil iniisip ko na 50 dolyar ang halaga ng bawat hila ko, at sa loob ng isang buwan ay ilang libo ang mapapasaakin. Kasi kapag di ka nagtrabaho mawawalan ka ng sahod buwan buwan.”
Napatawa si Noemi sa tinuran ng kaibigan kaya parang lumakas muli ang kanyang loob, bumalik ang kanyang pagiging masayahin at positibong pag-iisip.
Nasambit niya na minsan sa buhay ng isang OFW, kahit na anong lakas ng loob mo at tibay ng damdamin, dumarating din ang oras na kailangan mong ibulalas ang iyong nararamdaman para maibsan ito at mabigyan ka ng payo ng taong pinagkakatiwalaan mo.
Si Noemi at ang kanyang matalik na kaibigan ay maraming pagkakatulad. Pareho silang tubong Cagayan Valley na naninilbihan sa New Territories, at parehong 40 ang edad, at may pamilyang naiwan sa Pilipinas. – Marites Palma