Madaling araw ng ika-25 ng Agosto nang tumawag ng pulis ang amo ni Liza Panabe, 46, taga Iloilo City, para ipahuli siya dahil nagnakaw siya diumano ng sleeping pills, sigarilyo at facial mask.
Nang dumating ang mga pulis ay itinuro ng amo ang isang bag na itim ni Panabe na naglalaman ng 17 piraso na facial mask, 30 pirasong sleeping pills at dalawang kaha ng sigarilyo. Agad naming itinanggi ni Panabe na kinuha niya ang mga gamit dahil ni hindi siya gumagamit ng mga ito. Pilit nga daw siyang binibigyan ng amo ng facial mask pero ayaw niyang tanggapin dahil nang minsang sinubukan niya ay nangati ang mukha hiya. Lalong hindi siya naninigarilyo at an amo niya ang madalas magpabili sa kanya nito.
Wong Tai Sin police station. Googke Maps photo. |
Sa bandang huli ay pinagsabihan ng mga pulis ang Pilipina na mag-impake ng mga gamit at umalis na sa bahay ng amo.Tumulong pa ang mga pulis na bitbitin ang mga gamit ni Paneba; gayunpaman ay dinala pa rin siya sa Wong Tai Sin police station para kunan ng pahayag.
Pagdating sa istasyon bandang 2:30 ng umaga ay tinawagan ni Panabe ang kapatid nitong si Mary na isa ding OFW sa Hong Kong at ipinaalam na nasa police station siya. Pagkatapos ay nag message naman siya sa group chat ng Domestic Workers Corner Help Group para humingi ng tulong.
Matapos ito ay hindi na muli nakapag message si Panabe sa grupo, kaya nagdesisyon ang isang ka miyembro niya na si Rain Tuando na tumawag sa Wong Tai Sin police station at doon nila nakumpirma na nandoon nga si Panabe.
Nakailang tawagan pa sina Tuando at mga pulis bago nagkasundong papagpiyansahin ng $100 si Panabe. Pero bandang alas diyes na ng gabi nang siya ay makalabas doon dahil hinintay pa niya ang interpreter na tumulong sa paggawa niya ng pahayag sa pulis.
Bago siya umalis ay binigyan siya ng mga pulis ng takdang araw kung kailangan siyang muling mag report sa istasyon. Pinayuhan din siya na pumunta sa Labour Department para magsampa ng reklamo laban sa amo dahil hindi siya binayaran ng suweldo at kung ano pa ang dapat mapasa-kanya.
Isang linggo bago tumawag ng pulis ang kanyang amo ay medyo kinabahan na ang Pilipina dahil parang naiba na ang takbo ng utak nito, marahil dahil sa sobrang paghitit ng marijuana.
Bago nito, ika-3 ng Hunyo, ay may pumunta ng pulis sa kanilang bahay na may kasamang ambulansya dahil sinaktan umano ng amo ang ina nito. Ang matanda at alaga niyang 16 taong gulang ay kabilang sa mga dahilan kung bakit nagpigil si Taneba sa pag-alis.
Tinangka naman niya na sumangguni sa Philippine Overseas Labor Office pero sinabi daw sa kanya doon na gumawa ng pormal na reklamo laban sa kanyang amo para maaksyunan nila ang kanyang sitwasyon.
Pagkatapos palayain pansamantala ay tumuloy si Taneba sa shelter ng Konsulado, at kinabukasan ay inasikaso nila ng kapatid ang pagsampa ng reklamo sa POLO at Konsulado. Tumuloy din sila sa Help for Domestic Workers para magpatulong sa pagsasampa ng kaso laban sa kanyang amo.
Ayon naman daw sa mga pulis, maari siyang manghingi ng extension sa kanyang visa, at malamang ay payagan na din siya ng Immigration na humanap ng bagong amo sa Hong Kong, nang hindi na kailangan pang umuwi sa Pilipinas.