Isang paraan upang mabuhay ka sa kagubatan ay ang maging mapagmatyag ka. Sa sandaling itinigil mo ang pagbabantay ay mabibiktima ka ng mga mapagsamantala.
Nakita namin ang kahalagahan ng aral na ito noong mga nakaraang araw, nang biguin ng 18 bagong OFW ang isang may-ari ng mga ahensiya rito sa balak na huthutan sila.
Ipinakita rin ng pangyayaring ito na may ibibunga ang pagkakaisa ang mga manggagawa.
Tinutukoy ko rito ang nabigong paniningil ni Tony Chan, manager diumano ng tatlong ahensiya sa Hong Kong, ng ilegal na bayarin sa mga kasambahay na dinala rito mula sa Maynila sa pagitan ng Marso at Mayo ng taong ito.
Si Chan ang kumakatawan sa Way Tech Consultant, Sacred Heart International Consultants, at Pacific Jet Consultants, ang tatlong ahensiya sa Hong Kong na nakasaad sa mga kontrata na siyang kumuha sa mga Pilipina.
Ang mga ahensiyang katuwang niya sa Pilipinas ay ang i-Employ Manpower Services, MIP Manpower Services at Infinity Manpower Services.
Bago umalis sa Maynila ang mga tao – ilan sa kanila ay nagmula pa sa Cebu at iba pang lugar sa Kabisayaan – pinalagda sila ng mga ahensiya sa Maynila ng PhP16,000 loan mula sa Ceazar Pacific Lending Co. sa Makati. Babayaran nila iyon ng $2,938 nang dalawang hulog sa Mutual Honour (Hong Kong) Ltd, isang nagpapautang sa Taipo.
Natuwa umano ang mga OFW dahil kailangang-kailangan din nila ang perang iiwanan sa mga pamilya, ngunit sinabi ng mga ahensiya sa Maynila na hindi ito para sa kanila. Iyon ay pambayad daw sa karagdagang “on the job training” nila sa Hong Kong.
Yaong mga umangal noong nasa Maynila pa ay tinakot umano ni Chan ng “no pay, no fly,” kaya napilitang pumirma ang lahat. Dahil sa pautang na iyon, humigit sa PhP60,000 ang nagugol ng bawat kasambahay sa pag-a-apply ng trabaho rito sa Hong Kong.
Ang ilan sa kanila ay nadoble pa ang binayaran sa training dahil pinagsanay daw sila sa Cebu at nagbayad sila ng PhP25,000 hanggang PhP26,000 at pagdating sa Maynila ay pinapunta uli sa training at nagbayad ng karadagang halaga.
Pagdating sa Hong Kong ay pinapirma naman sila kaagad ni Chan ng payment account sa 7-11 convenience stores at binigyan ng mga payment card. Gayunpaman, hindi nagbayad ang ilan dahil alam nilang ilegal iyon at saka walang matitira sa sahod nila.
Nang pinadalhan sila ng Mutual Honour ng paalala para sa pagbabayad ng utang at tinawagan ang kanilang mga amo ay naghanap sila ng tutulong sa kanila. Tumulong ang isang samahan ng mga OFW na siyang nagparating sa aming pahayagan ng problema ng mga kasambahay.
Inilapit naman namin sila sa Mission for Migrant Workers para magpatulong sa paghahanda ng mga reklamo at katibayan laban kay Chan at sa mga ahensiya. Ang ilang mga biktima ay sinamahan namin kay Labor Attaché Nida Romulo upang magsumbong.
Nang nalaman ni Chan na inireklamo siya ay nataranta ito at nangako sa isang kasulatang inihanda ng Philippine Overseas Labor Office na ibabalik niya ang ibinayad ng mga tao, buburahin ang mga “OJT loan” sa lending company sa Hong Kong at sa Maynila at hindi na sisingilin ang mga tao.
Ngunit nakuha pa rin ni Chan na papirmahin ang mga tao sa isang nakasulat-kamay na waiver na sila ay kusang nag-enroll sa training program ng “Pacific Solar Enterprizes” at walang kinalaman doon ang kanyang mga ahensiya.
Nitong nakaraang Linggo, nang nakipagharap si Chan sa iba pang mga biktima sa POLO ay pinapirma naman sila ng kasulatang tumanggap sila ng tulong na perang $500 hanggang $1,200 mula sa mga Pilipina. Pumirma sila sa kasulatan, isang bagay na maaring nagpahina sa kanilang reklamo laban kay Chan.
Hindi pa malinaw ang kahihinatnan ng laban ng mga nabiktima ni Chan at maaari pa ring hindi niya malulusutan sa Labour Department ng Hong Kong at sa Philippine Overseas Employment Administration sa mga ilegal na paniningil niya dito at sa Pilipinas.
Ang pag-aalsa ng mga biktima laban kay Chan ay maaaring nagbabala sa mga iba pang ahensiya rito at sa Pilipinas na may mga katulad ding binabalak para sa mga OFW.
Kailangang maging mapagmatyag dahil nandiyan lang ang masisibang ahensiya sa tabi-tabi, umaaligid, naghihintay ng pagkakataong makapambiktima.