Dahil sa hindi nabayaran ng kaibigan niyang sinungaling ang utang ay natawagan siya ng kolektor sa landline ng kanyang mga amo na nagkataong nasa bahay ng mga oras na iyon. Naiiyak na humingi ng paumanhin si Christine at sinabi ang totoong dahilan kung bakit nagkautang siya ng ganoong kalaking halaga.
Ilang araw din siyang hindi nakapagtrabaho ng maayos dahil sa takot na baka i-terminate siya dahil sa kanyang kapalpakan. Ibinigay niya kasi sa pautangan pati ang address ng amo ng walang pahintulot.
Nang biglang maglaho ang dating kaibigan ay noon lang napagtanto ni Christine na ni hindi niya kilala ang sino mang kaibigan nito o kapamilya. Mabuti na lang at nanaig pa rin ang kabaitan ng mga amo at inalok siya na babayaran nila ng buo ang utang, at ibabawas na lang sa suweldo niya buwan-buwan sa loob ng isang taon.
Pero may kundisyon ang amo na kung gagawin pang muli ni Christine ang mangutang ay tatanggalin na siya at hindi babayaran para sa long service. Laking pasalamat ni Christine sa alok ng amo, at agad na ipinaalam sa asawa at apat na anak na mababawasan ang kanyang padala sa kanila buwan-buwan habang binabayaran ang utang na hindi naman niya napakinabangan.
Nakilala ni Christine ang kaibigan sa isang pagtitipon apat na taon na ang nakakaraan at mula noon ay lagi na silang magkasama tuwing Linggo. Hindi akalain ni Christine na gagamitin ng kaibigan ang kanilang matagal na pinagsamahan para maisakatuparan ang pangarap na magandang buhay, na siyang gusto rin niya para sa sarili.
Kahit nanghihinayang si Cristine sa isang taong pagbabayad inisip pa rin nya na swerte nya at hindi sya na terminate ng kanyang employer. Si Christine at 42 taong gulang, taga Davao at nagtatrabaho sa Kennedy Town. - Rodelia Villar