Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Isang kaibigang tunay

06 August 2018

Nagkakilala sina Florence, 49,  at Ana, 42, sa Hong Kong mga pitong taon na ang nakakaraan at naging matalik na magkaibigan. Lagi silang magkasama sa mga lakad sa unang limang taon ng kanilang pagkakilala, at nagdadamayan tuwing may problema ang bawat isa.

Kailan lang ay nasubok ang lalim ng kanilang magandang samahan nang ihanap ni Florence ng amo si Ana, na nagdesisyong umuwi na at magpakasal dalawang taon na ang nakakaraan. Kahit kasi nagkalayo na sila ay patuloy pa rin ang kanilang kamustahan sa Facebook.

Dahil may edad na nang nag-asawa ay hindi na nagkaanak si Ana, kaya naisipan ng kanyang asawa na bumalik sa kanyang trabaho sa Qatar para madagdagan ang kanilang ipon. Nagdesisyon si Ana na bumalik na lang din sa Hong Kong, na sinang-ayunan naman ng asawa.

Dahil sa kanyang edad ay nagdalawang isip si Ana na mag-apply sa ahensya kaya naisip na humingi na lang ng tulong kay Florence. Nangako naman si Florence na tutulong, at agad na kinausap ang mabait na amo kung mayroon ba itong kaibigan na naghahanap ng katulong.

Pagbalik ng amo kamakailan galing sa bakasyon ay ibinalita nito kay Florence na inirekomenda niya ang kaibigan nito sa kapatid, at pumayag naman ito. Tuwang tuwa naman si Florence dahil makakabalik na rin ang kaibigan sa Hong Kong, at mas madalas pa niya itong makakasama.

Tuwang tuwa din si Ana dahil may mabait siyang kaibigan katulad ni Florence. Sa ngayon ay naghihintay na lamang ng visa si Ana para makabalik ng Hong Kong at mag-umpisang manilbihan sa among taga Aberdeen. Si Florence na tubong Iloilo ay halos 10 taon na sa mabait na amo na taga Kennedy Town. – Ellen Asis

Don't Miss