Ganoon na lang ang gulat at takot ni Rosemary nang may
tumawag sa kanya sa telepono noong ika-14 ng Agosto at nagpakilala na isang pulis
ng Hong Kong . Tinanong siya kung nangutang ba
siya sa isang tao na nangangalang Edgar, at ibinigay ang kanyang pasaporte
bilang pang-seguro. Dahil sa takot ay sinagot niya ito ng “No”, gayong alam
niya na may pinahiram siya ng kanyang pasaporte para gamitin ito sa
pangungutang. Dali-dali niyang tinawagan ang kanyang kaibigan na nanghiram ng
kanyang pasaporte, at doon niya nalaman na nahuli ng mga pulis ang “kuya” na
pinagsanlaan nito ng passport niya noong nakalipas na araw, ika-13 ng Agosto,
sa North Point. Agad-agad niyang tinawagan ang tinawag nitong “kuya” na isang
Intsik, pero hindi na nag-ring ang telepono nito. Ayon sa balita, hinuli ang
Intsik at pati ang katulong nito na isang Pilipina din dahil sa pagpapautang na
ang tubo ay umaabot sa 120 percent, doble sa legal na interes. Tarantang
taranta si Rosemary at hindi malaman ang gagawin. Iyon ang unang pagkakataon na
pumasok siya sa ganoong transaksyon, na hindi pa siya mismo ang
nangangailangan. Kung tutuusin, maliit lang naman ang perang kailangan ng
kaibigan niya at marami naman itong kakilala na pwede niyang malapitan para
mangutang, pero hindi niya alam kung bakit agad siyang nagpadala sa pakiusap
nito. Mabuti na lang at wala sa Hong Kong ang
mga amo niya na kapwa guro dahil umpisa na ng bakasyon ng mga estudyante, kaya
agad siyang nakapunta sa Konsulado para humingi ng payo. Pagkatapos siyang
pakinggan ni Danny Baldon ng assistance to nationals section ay sinabihan
siyang gumawa ng salaysay, at saka pinag-affidavit para makuha niya ang bagong
pasaporte niya na nakatakdang ilabas sa ika-3 ng Setyembre. Kailangan kasi na
ipakita ang lumang pasaporte bago ibigay ang bago. Tinanong ni Rosemary ang
opisyal kung nai-report na sa kanila ang mga pangalan ng mga nagsanla ng
pasaporte, at sinabi sa kanyang hindi pa. Gayunpaman, hindi na rin naman
maibabalik ang mga nasamsam na pasaporte dahil gagawin itong ebidensya kapag
kinasuhan na si Edgar na usurero, at pati ang katulong nitong Pilipina na ayon
sa pulis ay tumutulong na kumuha ng kliyente para dito. Tinawagan ni Rosemarie
ang isa pang tumulong sa kanya at tinanong kung kokontakin daw ba ng mga pulis
ang kanyang amo para sabihing isinanla niya ang kanyang pasaporte. Saka lang
siya nakahinga ng maluwag nang sabihin na malamang na hindi dahil pribabong
transaksiyon naman ang pangungutang, at tanging ang mga kolektor lang naman ang
laging nagsusumbong sa amo para pilitin ang isang katulong na magbayad.
Gayunpaman, nangako si Rosemarie sa sarili na hinding hindi na niya gagamitin o
ipapagamit ang pasaporte sa iba, sa pangungutang man o sa iba pang bagay. Ayon
na rin sa payo sa kanya, ang pasaporte ay pag-aari ng pamahalaan ng Pilipinas,
at hindi dapat ipagamit ng isang pinagkalooban lang nito. Nakatulong din ang
nangyari para mapagtanto niya na ang isang tunay na kaibigan ay hindi gagawa ng
anumang ikakapahamak niya. - Rodelia
Villar