Ang pamumundok ay isang masaya at kaiga-igayang paraan ng pagsukat sa kakayahang makapaglakad sa kabundukan. Ito rin ay nagsisilbing komunyon o pagniniig ng tao at kalikasan, kaya mahalaga na mapanatili ang kaayusan sa paligid. Dapat siguraduhin na walang mga bakas o basura na maiiwan sa iyong paglisan. Kasabay ng pag-uuwi mo ng mga magagandang alaala ay dalhin mo na rin ang boteng pinaglagyan mo ng inumin at mga gamit sa pagkain. Ang ganitong panuntunan ang magsisiguro na ang mga magagandang alaala mo ng iyong pamamasyal at paglalakad ay mananatili hanggang sa iyong pagbabalik.
Kabilang sa mga magagandang lugar na maaring puntahan ng isang mahilig sa hiking at swimming ang Wang Chung Stream o Dragon Ball Falls na nasa Plover Country Park sa New Territories.
Ang Wang Chung Stream ay matatagpuan ilang metro mula sa sikat na Bride’s Pool na nasa loob din ng parke. Medyo mahirap ang paglalakad patungo dito dahil gugugol ka ng tatlo hanggang apat na oras mula sa bukana kung saan ka ibaba ng bus. Ang paglalakad ay pakanluran at pataas hanggang sa pinakatuktok ng bundok, at madadaanan ang ilang matataas na talon na may malalim at malamig na pool o languyan. Ang madulas at matarik na lakaran ay di hamak na mahirap lakaran kaysa sa lugar na tuyo at patag.
Ang talon at ang batis sa ilalim nito ay nagbibigay ng panibagong sigla sa mga pagod sa pag-akyat sa bundok. |
Magmula sa bus stop ng Brides Pool Road ay kailangan mong lumakad ng mga limang minuto bago marating ang bungad ng sapa. Mula naman sa dulo nito kung saan matatagpuan ang tulay ng Pat Sin Leng nature trail ay aabutin ka ng hanggang 25 minuto na paglalakad bago ka makabalik sa sa bus stop.
Ang antas ng hirap sa paglalakad dito ay 6/10, na ang ibig sabihin ay may kahirapan pero kaya pa rin ng karamihan dahil maraming may mga edad na ang nakakarating dito. Kahit iyong mga matagal nang naglalakad ay mahigpit pa ring pinapaalalahanan na huwag na huwag subukan na akyatin diretso ang mga malalaking talon, dahil may mga nagbuwis na ng buhay dito. Ang dapat gawin ay taimtim na sundan ang direksiyon ng mga nakataling ribbon sa mga sanga ng mga punongkahoy na siyang nagsisilbing gabay kung saan dapat dumaan para malampasan ang mga nagtataasang talon sa paligid at masiguro ang kaligtasan.
Sa mga mahilig ng live streaming sa Facebook, sorry at mahina ang signal ng internet dito dahil napapagitnaan ng mga matatarik na bundok ang sapa. Mag video na lang at i upload ang mga kuha mo habang naglalakad pabalik sa sakayan ng bus dahil tiyak na may signal na ulit dito. Pero ingat din habang nagkukuha ng mga litrato at baka ka madulas sa basang lakaran.
Ang pinakamagandang parte ng lugar na ito ay ang mababang parte ng sapa dahil dito makikita ang mga naglalakihang talon at malalalim at malamig na languyan.
Marami sa mga pumapasyal dito ang lumalangoy, nag da dive o nag I snorkel sa napakalinis at malamig na tubig.
Ito ang dahilan kaya paboritong puntahan ito ng mga turista, dayuhan man o lokal, tuwing panahon ng tag-araw. Hindi makukumpleto ang pagpunta mo dito kung hindi mo susubukang lumangoy o magtampisaw man lang sa malinaw na tubig. Para kasing nagsisilbing pantanggal ng tensyon at lungkot ang preskong tubig na dumadaloy sa mga languyan na ito.Hindi mo iindahin ang hirap at sakit sa pag-akyat dahil kapag nalampasan mo ang pinakamahirap na parte ay maaari kang magtampisaw muli para buhayin ang iyong damdamin.
Bagamat mahaba-haba at may kahirapan ang pagpunta dito ay lubhang ligtas ang paligid kaya maraming mga iba-ibang grupo ang dumarayo dito. Minsan, hindi maiiwasan na nagpapang-abot ang mga grupo ng hiker sa parteng mahirap daanan, halimbawa sa matarik na bangin, ngunit hindi naman ito malaking sagabal dahil maraming mga ugat at sanga ng punongkahoy ang maari mong kapitan para makatawid. At kahit mainit ang sikat ng araw ay hindi mo masyadong maramdaman dahil maraming mga puno sa daanan kaya malilim. Lubos ka ring maaaliw sa paglalakad dahil presko ang hangin sa paligid, at maraming makukulay na paruparo kang makikita sa paligid. Kitang kita din mula sa malinaw na tubig ng sapa ang ibat ibang uri ng isdang tabang na nabubuhay dito.
Ang Wang Chung Stream ay isa sa pinakakilalang stream sa Hong Kong, napakadaling magtungo dito dahil ang bungad ay malapit lamang sa pinakahuling antayan ng bus sa Bride’s Pool Road.
Para makarating dito, sumakay ng MTR papunta sa Tai Po Market, at paglabas ay sumakay ng bus 75K or 20C na green mini bus patungong Tai Mei Tuk. Maiging mag-taxi mula rito papunta sa Bride’ Pool tuwing ordinaryong araw. Kung Sabado o Linggo naman ay maaring sumakay ng KMB Bus 275 K o 20 R mula sa Tai Po Market station at pupunta ito ng diretso sa Bride’s Pool Road.
Maaring padalhan ng mensahe sa Facebook messenger ang may-akda sakaling may gustong itanong tungkol sa hike na ito.