Sa buong panahon ng kanyang pagtatrabaho ay nag-ipon siya para makapagpatayo ng malaking bahay na may apat na kuwarto para sa kanilang limang magkakapatid. Sa isip niya, sapat na iyon para sama-sama silang mamuhay ng mas maginhawa, kumpara noong araw na sa kubo lang sila nakatira.
Ang masaklap ay inangkin ng kaisa-isa niyang kapatid na lalaki ang bahay dahil siya daw ang gumastos doon. Ayon kay Annie, paano naman maipapatayo ng kanyang kapatid iyon e Php3,000 lang ang kinikita nito buwan-buwan at may pamilya pang umaasa sa kanya?
Sa kanyang pagbabalik ay doon lang daw nakita ni Annie ang mapait na katotohanan na mismong mga kapatid mo ay maaari kang walanghiyain dahil lang sa pera. Wala ka raw maaasahan kahit natulungan mo pa sila noong ikaw ay kumikita pa ng malaki.
Sa ngayon ay ang sariling pamilya na lang niya ang kanyang pinaglalaanan mula sa kanyang kinikita sa paninilbihan sa mga among taga Clearwater Bay. Dahil dito ay madali siyang nakapag-ipon at nakapagpatayo muli ng bahay.
Sabi niya, huwag paiiralin ang pagiging maawain dahil pagdating ng panahon ay ang sarili mo lang talaga ang maaasahan mo sa panahon ng pangangailangan. Si Annie ay 50 taong gulang, may asawa, at isang anak na ampon. – Merly Bunda