Bumuhos man ang napakalakas na ulan noong Sabado, ika-23 ng Hunyo ay hindi pa rin natinag ang 18 kababaihan sa pagsali sa isang usaping pinansyal na isinagawa ng CARD Hong Kong Foundation.
Ang sesyon ay ang kauna-unahang financial literacy training sa Sabado na inilunsad ng Card HK
Tinanong ang mga kalahok kung bakit sila dumalo sa pagsasanay, at ang sagot ng ilan ay dahil gusto nilang matuto na humawak ng pera dahil kinukulang daw ang kanilang sahod. Ang iba naman ay nagsabing gusto nilang malaman kung ano ang kanilang gagawin sa naipon na nilang pera.
Unang batch ng Sabado Group. |
Sa isang panayam, sinabi ni Maro ang sikreto kung paano siya nakapag-ipon habang nagtatrabaho sa Hong Kong.
“Kahit narito na ako sa Hong Kong ay inako pa rin ng aking asawa ang responsibilidad sa aming mga anak. Nagsumikap siya hanggang nakaipon ng pera na ipinantayo niya ng isang karinderya. Lumago ito at ngayon ay dalawa na ang aming karinderya,” sabi ni Maro.
Dahil dito ay nagkasundo ang mag-asawa na umuwi na si Maro para magkatuwang na silang mag-aasikaso sa kanilang mga kainan.
Malaki-laki na rin daw ang kanyang naipon kaya malakas na ang kanyang loob na umuwi na para maasikaso ang asawa at mabantayan ang paglaki ng kanilang apat na anak, ayon kay Maro.
Dumating si Maro sa Hong Kong noong 1999 nang siya ay dalaga pa, at dating nagtrabaho bilang research assistant sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman. Nagdesisyon siyang pumasok na kasambahay dahil daw hindi na kayang tustusan ng kanyang mga magulang ang pag-aaral ng mga nakababata niyang mga kapatid. Inako ni Maro ang pagpaaral sa kanila, at nakapagpatayo pa siya ng bahay.
Maganda ang naging talakayan ng grupo mula simula hanggang matapos ang sesyon. Sa tuwa ng mga dumalo sa kanilang natutunan ay nagsabi sila na hihikayatin ang kanilang mga kaibigan na sumali din sa mga susunod na pagsasanay.
Ang susunod na sesyong pang Sabado ay sa ika-22 ng Hulyo. Para makasali o kumuha ng karagdagang impormasyon, mag “like” lang sa Facebook page ng CARD HONG KONG FOUNDATION, o tumawag sa numerong 9529 6392, 5423 8196, o 9606 6810.