Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Nawawala daw ang asawa

15 July 2018

Nagpadala ng mensahe ang isang Pinoy na may initials na S.Q. sa isang lider ng komunidad kamakailan para humingi ng tulong dahil halos isang taon na raw na nawawala ang asawa niya. Ibinigay niya ang pangalan ng kanyang asawa, numero ng HK ID passport at kontrata, at pati ang pangalan at address ng amo nito sa Kowloon.

Nang tanungin siya kung humingi na siya ng tulong sa Konsulado ay sinabi nito na nagpadala na daw siya ng email, pero walang sumagot.

Sinubukan ng lider na hanapin sa Facebook ang asawa ni S.Q, at lumitaw ang isang public post noong Disyembre ng nakaraang taon kung saan lumabas na may komunikasyon pa sila. Nang tanungin si S.Q. tungkol dito ay sinabi niyang huli silang nag-usap ng asawa nitong January lang, na ang ibig sabihin ay mga kalahating taon pa lang sila talagang walang komunikasyon.

Dagdag pa ni S.Q., hindi na daw sinasagot ng asawa ang mga tawag niya sa messenger at sa telepono. Ibinigay niya ang numero ng telepono ng asawa at iminungkahi na tawagan ito at baka sakaling sumagot.

Noong una ay hindi nga sinasagot ng babae ang telepono, pero hindi naglaon ay nag return call ito. Agad nitong itinanggi na nawawala siya, at sinabing kaya hindi na niya sinasagot ang mga tawag ng asawa ay dahil lagi itong nanghihingi ng pera, at kapag hindi nabigyan e nanggugulo.

Dati raw ay lagi niya itong pinadadalhan ng mula Php5,000 hanggang Php20,000 at binilhan pa ng “kuliglig” (bisikleta na may motor at side car) nang makuha ang kanyang long service pay, pero hindi pa rin makontento. Sa katunayan, sa pag-uwi daw niya sa Disyembre ay sa ibang bahay siya tutuloy dahil sa ginagawa ng asawa.

“Huwag nyo hong papansinin dahil hindi naman ako nawawala,” ang sabi ni misis. “Galit lang ako talaga sa kanya.”

Agad namang pinadalhan ng mensahe ng lider si S.Q. para itanong ang tungkol sa sinabi ng asawa pero madiin ang naging pagtanggi nito. “Hindi totoo ang sinasabi nya, bakit pati anak ko at mga apo ayaw kausapin at hindi nagpapadala ng pera sa kanila?”

Hindi napigilan ng lider na sabihan ito ng, “Bakit kailangan niya kayong padalhan ng pera? Kawawa naman siya sa kakatrabaho, di ba? May pamilya na anak ninyo, dapat siya na ang tumutulong sa nanay niya.”

Walang nasabi bilang tugon si S.Q. kundi, “Di bale na lang ho. Salamat ho.” – DCLM

Don't Miss