Walong taon na si Lita sa paninilbihan sa Hong Kong at sa loob ng panahong ito ay nakita na niya ang iba-ibang kulay at anyo ng mga kababayan.
Marami sa kanyang mga kakilala at itinuring na kaibigan ang biglang naglaho pagkatapos niyang ipangutang kaya pasanin niya ngayon ang pagbabayad sa kanilang tinakasang utang kaya halos wala na siyang maipadala sa kanyang sariling pamilya.
Katulad ng ibang sanay na sa ganitong raket, napakabait ng mga ito nang hilingin na garantiyahan niya ang kanilang mga utang sa financing company. Ngunit pagkatapos niyang sumunod sa kanilang hiling ay biglang nagkaka amnesia.
Kaya ngayon, kapag may nakakausap siya na baguhan pa lang sa Hong Kong ay lagi niyang pinapaalalahanan na huwag na huwag papayag na ipagamit ang kanilang pangalan o dokumento sa utangan. Kahit kaibigan pa nila.
Nadala na daw siya sa mga matamis na pangako at madramang pakiusap ng mga nakikiusap na mga balasubas pala. Umiwas na din siya sa mga kaibigan na kilala lang siya kung may kailangan sa kanya, kaya madalas ay mag isa na lang na lumalabas sa araw ng kanyang pahinga, o nanahimik sa kanyang kuwarto. Si Lita, 40 taong gulang tubong Pangasinan, ay may asawa at tatlong anak at naninilbihan sa mga among Intsik sa Baguio Villa sa Pokfulam. – Ellen Asis