Ito ang nais nating itanong sa ating mga kababayan, lalo na sa mga bagong-dating na kasambahay na natutuksong mangutang gamit ang kanilang mga pasaporte bilang garantiya sa uutangin.
Kapag nangutang kayo gamit ang mga inyong pasaporte bilang prenda ay huwag kayong umasang mabibigyan kayo kaagad ng Konsulado ng kapalit kapag naipit ang dokumento sa nagpautang o nakuha ito ng mga pulis bilang ebidensiya sa isang operasyon laban sa “loan-sharking” o sobrang pagpapatubo.
Nalaman namin sa isang opisyal ng Konsulado na kapag naipit o nawala ang pasaporte ng isang OFW dahil ginamit sa utang ay mahihirapan muna siya bago makakuha ng kapalit.
Sinabi ng opisyal na hihingi muna sila ng payo sa Department of Foreign Affairs sa Maynila kapag may mga lalapit na ganitong kaso para mag-renew ng pasaporte.
Kapag kailangang mag-renew ng kontrata ang nawalan ay papayuhan siyang sumulat sa Director of Passports ng DFA upang sa kanya mag-apply. Dito matatagalan ang proseso dahil susuriing mabuti ang aplikasyon. Kung bakit ganoon ang patakaran ng Konsulado ay dahil sa pang-aabuso ng maraming OFW sa kanilang pasaporte.
Ayon sa opisyal, layunin ng ganyang patakaran na matuto ang mga kababayan nating mahilig mangutang o hindi maingat sa kanilang mga gamit na kailangan din nilang igalang at ingatan ang pasaporte dahil ipinahiram lang iyon ng gobyerno sa kanila.
Paano nga naman matututo ng leksiyon ang mga kababayan natin madali silang makakakuha ng kapalit kapag ang nawala ang pasaporte ipinrenda nila sa mga nagpapautang?
Katunayan nga ay laging ipinapayo sa mga bagong-dating na OFW sa post-arrival orientation seminar o PAOS sa Konsulado na huwag nilang isangla o gamiting garantiya sa utang ang pasaporte.
Gayunpaman, nitong nakaraang buwan ay muling nabunyag na daan-daang mga kababayan nating kasambahay ang hindi nakinig sa payo at nangutang gamit ang kanilang mga pasaporte bilang garantiya.
Marahil ay wala naman silang balak na takbuhan ang kanilang mga utang. Sumabit lang sila nang mahuli ng pulisya ang taong inutangan nila. Sa kasunod na paghalughog sa tirahan ng nagpapautang, natagpuan ang mahigit 800 pasaporteng Pilipino at Indonesian na garantiya ng mga nangutang. Nakakuha rin ang pulisya ng mga kontrata sa trabaho.
Noong nakaraang taon, isang katulad na operasyon ang nabuwag ng mga pulis at nabawi rin nila ang 248 pasaporte ng mga Pilipino na inipit ng sindikatong binubuo ng mag-asawang Intsik ng Hong Kong. Kasama ang kanilang katulong na Pilipina at ilan pang mga Pinay ding kasambahay na nagsilbing “runner” ng taga-alok ng pautang.
Nalaman ng pulisya ang nasabing bawal na operasyon nang may mga nagsumbong na Pilipina dahil kailangan na nila ang mga pasaporte nila para mag-renew ng kontrata at visa ngunit hindi maibalik sa kanila ng nagpahiram ng pera dahil hindi pa umano bayad ang utang o wala sa kanila ang pasaporte ng nangutang.
Ang ginagawa pala ng mga sindikato o mga galamay nila – mga runner – ay tatanggapin nila ang pasaporte ng nangungutang kapalit ng halagang hinihiram ng tao.
Sa kagustuhan ng runner na kumita ay uutang naman siya gamit ang pasaporteng iyon bilang garantiya ngunit ang magbabayad sa inutang niya ay ang taong nakapangalan sa pasaporte. Kaya pala lumalaki nang 10 beses o higit pa ang utang ng may pasaporte.
Labag sa batas ang ganoong gawain dahil labis-labis sa hanggang 60% legal na patubo ang babayaran ng nangutang nagiging sanhi ng pagkakabaon niya sa utang.
Kapag nahuli ang mga “loan shark”, hahawakan ng pulisya ang mga pasaporteng nabawi bilang ebidensiya at walang nakakaalam kung maibabalik pa ito sa mga may-ari. Kaya nagkakaproblema ang mga nangutang pagdating ng renewal ng kanilang mga kontrata dahil wala silang pasaporteng tatatakan ng visa extension.
Sinabi ng opisyal ng Konsulado na noong una ay madali ang pag-iisyu nila ng kapalit sa mga nagre-report na nawalan ng pasaporte. Ngunit kainalaunan ay nabisto nilang marami sa mga nagsasabing nawalan ng pasaporte ay nagsangla o nangutang pala.
Paano sila matututong huwag gamitin sa utang ang pasaporte kung alam nilang madali silang makakakuha ng kapalit, sabi ng opisyal. May katuwiran nga siya. Igalang ang kundisyon ng pagkakaloob sa iyo ng pasaporte o magdusa ka.