Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Hinaing ng inang OFW

09 July 2018

Hindi sinasadya ay napakinggan ni Marie ang pakikipag-usap sa telepono ng isang kababayan na naluluha. Ang asawa ang kausap nito, at sinusumbungan dahil hindi daw sinasagot ng kanilang mga anak ang kanyang mga tawag, kahit umabot na ito sa 10 ring.

Hindi naglaon ay pati ang asawa ay sinita dahil hindi din daw ito sumasagot sa kanyang mga tawag. “Kaya nga binigyan ko kayo ng tag-iisang cellphone para kahit anong oras kung may pagkakataon ay makakausap ko kayo. Pero bakit ganun, parang balewala ako sa inyo?”

Kahit yung mga pm ko ay “seen” lang, pero walang sagot, sabi pa nito. Pero kapag pera daw ang pina-uusapan ay napakabilis nila lahat sumagot, at kapag nakuha na ay balik dedma na sila sa mga pm niya.

Sa sama ng loob ay nasabi ni kabayan na parang mga mukhang pera ang pamilya niya dahil hindi man lang siya mabigyan ng kaunting kunswelo sa gitna ng kanyang paghihirap na mabigyan sila ng magandang kinabukasan. Nakinig lang si Marie sa pakikipag-usap ng katabi pero nung pababa na siya ay tinapik niya ito sa balikat, sabay tanong ng “Ok ka lang ba, ate? Napangiti ang kausap at hinawakan nang mahigpit ang ang kanyang kamay, tanda ng pasasalamat. Gusto pa sana itong kausapin ni Marie ngunit kailangan na niyang bumaba.

Dahil nalungkot nang husto sa narinig na pakikipag-usap ng kapwa niya OFW, agad na nag-post si Marie ng paalala sa Facebook. Aniya, “Kayong mga anak ng OFW na nasa Pilipinas, bigyan niyo ring panahon na makausap ninyo ang inyong nga magulang kapag tumatawag sila sa inyo at mag reply kung nag p-pm sila sa inyo, dahil ang inyong mga  boses ay gamot sa homesickness naming magulang. Sa boses pa lang ninyo ay napapawi na ang pagod, lungkot at ano mang hirap na nararamdaman. Boses niyo pa lang lumalakas na ang aming kalooban na magtrabaho pa ng ilang taon para sa inyong kinabukasan. Sana mahalin niyo din ang inyong magulang kahit na wala sila sa inyong tabi.”

Laking pasasalamat na lamang ni Marie dahil ang kanyang nag-iisang anak ay napakaresponsableng bata. Lagi silang nag-uusap, kaya kahit malayo sila sa isa’t isa ay nararamdaman nila ang pagmamahal ng bawat isa. Si Marie ay tubong Isabela, may anak at kasalukuyang naninilbihan sa mga Briton na amo sa New Territories. – Marites Palma


Don't Miss