Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Boy Abunda, nagbahagi ng buhay-LGBT

03 July 2018

Ni Emz Frial

“I am Boy Abunda,  I believe in God. I deeply love my mother,  she was the center of my universe. And I am proud to be a gay”.

Ito ang mga salitang binitawan ng kilalang TV  host na si Boy Abunda nang maging panauhing pandangal siya sa isang talakayan tungkol sa usaping LGBT (lesbian, gay, bisexual, transgender) na ginanap sa Konsulado noong ika-17 ng Hunyo.

Tinatanggap ni Boy Abunda ang certificate mula kay Consul Paul Saret bilang pasasalamat ng Konsulado.
Bilang pagpapakilala sa sarili, sinabi ni Abunda na isa siyang ordinaryong batang lalaki na may pangarap, kahit hindi niya matukoy talaga kung ano iyon.

Ang pangarap daw ng kanyang ina ay maging accountant siya, samantalang abugado naman ang gusto ng kanyang ama para sa kanya dahil daw madaldal siya. Parehong hindi natupad ang kanilang mga mithiin na ito dahil naging talk show host siya.

Habang siya ay lumalaki ay sinubukan daw niyang maging tunay na lalaki. Nagtangka pa siyang mag basketball at magkunwari na nagkagusto sa isang babae pero hindi siya nagtagumpay.

Lumaki siyang hirap sa buhay, at maraming pagsubok ang dinaanan niya bago narating ang kanyang kinalalagyan ngayon. Naranasan niyang tumira sa Luneta at magtinda ng shampoo at fire extinguisher bago namasukan sa isang restaurant.

Noong una, mismong mga kaibigan niya ay hindi makapaniwala na magiging talk show host siya dahil isa siyang Waray, hindi kagandahan, at dahil siya ay bakla. Ngunit hindi siya pumayag na maging hadlang ang mga ito upang matupad ang kanyang mga pangarap at mapatunayan na mali sila.

Katunayan, siya ngayon ay kinikilalang “King of Talk Show in the Philippine Television”.

Lagi daw niyang inaaalala ang sinabi dati ng nanay niya sa kanya: “Before the contest begins,  you are already the winner”.

Ang mga katagang iyon daw ang nagbigay ng lakas ng loob sa kanya para hindi bitawan ang kanyang mga pangarap.

“No one can define who you are. The only person who can define you is you”,” payo niya sa mga nakinig sa kanyang pagsasalita.

Sinabi din niya na huwag matakot ang mga kasapi sa komunidad ng LGBT na ipakita ang tunay nilang pagkatao.

Aniya, marami ang naduduwag na ipagmalaki kung ano sila dahil natatakot sila na baka hindi sila tanggapin sa lipunan, o maging biktima ng diskriminasyon.

“Just be who you are and people will respect you,” payo niya.

Sa kanyang maiksing talumpati, sinabi naman ni Consul General Antonio Morales na ang mga LGBT ay mga “normal na tao, at dapat ituring na tao. Ginawa sila ng Panginoon na kakaiba,” aniya.

Nagpaalala din siya na ang Konsulado laging handang tumulong sa mga LGBT.

Pagkatapos ng pagsasalita ni Abunda ay nagkaroon ng ilang tanungan. Tanong ni James, “If given a chance to marry someone of the same sex, will you marry?” Sinagot naman ito ni Abunda ng, “I will fight to the very end the right to marry. I will fight for marriage equality.”

Ang tanong naman ni Sol, “Nasaan na ang LGBT sa kanilang pakikipag-laban? Sagot ni Abunda, “Wala kaming Gabriela pero darating kami doon.”

Ang kay MJ, “What would I do to make my Nanay proud?” Muli, sinagot ito ni Abunda ng, “Just be yourself”.

Don't Miss