Pinasinayaan noong ika-8 ng Hulyo ang bagong tatag na Royal Eagle Taekwondo Academy kung saan 20 manggagawang Pilipino ang kasapi, sa 10/F ng Fa Yuen Street Municipal Services Building sa Mong Kok.
Ang grupo ay pinamumunuan ni Master Durga Rai, isang Nepalese.
Naging panauhin si Dr. Willy Fu ng Hong Kong Basic Law Association at Deputy Secretary General ng Hongkong Legal Exchange Foundation.
Sinabi ni Dr. Fu na suportado ng gobyerno ng Hong Kong ang kapakanan ng lahat ng naninirahan sa siyudad, kabilang na ang mga kasapi sa grupo.
Pinasamalatan niya ang ang nag-imbita sa kanya at sinabi ang “I wish you all the best.”
Bilang bahagi ng programa ay nagpakita ang ilang miyembro ng kanilang husay sa iba’ t ibang istilo ng pag depensa sa sarili, sa pamamagitan ng suntok, pagsiko at pagtadyak nang naaayon sa larangan ng taekwondo.
Mga kasapi ng bagong tatag na Royal Eagle Taekwondo Academy sa Mong Kok. |
Kabilang sa mga nagpakitang gilas si Crisel Chiong Calipayan, 37 taong bulang at tubong Tagum City, Davao del Norte. Ang kuya daw niya ay isang manlalaro ng karatedo kaya 16 na taong gulang pa lang siya ay nahikayat na siyang sundan ang mga yapak nito.
Naging 3rd dan black belt siya sa karatedo sa Pilipinas, gold medalist sa Philipine Karatedo National Games na ginanap sa Cebu City noong 2003, at silver medalist noong 2004- Philippine National Games sa Cagayan De Oro City. Dati siyang miyembro ng Philippine National Team sa Karatedo.
Sa taekwondo naman ay 2nd Dan Black Belt si Crisel at undefeated sa Kyorugi o sparring.
“Masaya kami sampu ng aking mga kasamang OFWs, dahil sa suporta ng mga senior sa Taekwondo Masters,” sabi niya.
Sa kasalukuyan si Crisel ay instructor sa Yuen Long branch ng Royal Eagle.
Kabilang sa sumuporta sa grupo ay ang mga Nepalese na kasapi sa Unity Taekwondo Academy- sa pamumuno ni Master Gurung Dil, at sa Phoenix Taekwondo Academy, sa pangunguna naman ni Master Homarshad Gurung.