Noong ilabas ng The SUN ang balita tungkol sa mga nag-rambulang Pilipino sa Central kamakailan, lumabas ang ilang detalye na wala sa mga naunang report sa ibang media.
Sa pagmamadali kasi ng ibang kabaro namin sa industriya, isang panig lang – iyong naunang nagsumbong sa kakilalang tagapag-balita – ang lumabas sa mga naunang report, kaya ang kabilang panig lang ang binuhusan ng galit ng mga netizen. Makakita ka nga naman ng wasak ang mukha, na binugbog daw ng isang professional boxer, ano pa ang mararamdaman mo?
Pero dahil lumabas ang panig ng itinurong nambugbog – halimbawa, na isa sa kanila ay napukpok muna ng bote ng beer at pumutok ang ulo at labi, at ang itinuturong nambugbog ay hindi kasama sa kinasuhan ng pulis – nag-iba ang ihip ng opinyon.
Karamihan sa mga nagbilin ng reaksiyon sa balita sa The SUN ay, gaya ng sa nauna, galit pa rin sa isang panig at may nagbanta pang gaganti.
Pero alisin mo ang bangayan ng kakampi ng magkabilang panig sa Facebook page ng The SUN, may madidiskubre tayong mga mensahe na para sa lahat.
Gaya ni Gina Piago, na nagsabing: “Ilagay kc ang alak sa tiyan hindi sa utak.”
Sa tonong may pagtuya, sinabi ni Cristina Salinas Garcia: “antatapang tlga ng pinoy,mbuhay.
Sinag-ayunan siya ni Samantha Ejudo Sulatra: “Tagay p more.”
Dagdag ni Anie Rivera: “Mayayabang kasi Ang mga pinoy pag lasing. Nagwowork ako sa bar sa wan chai Pero ni minsan wala pa akong nakitang mga lasing na mga Puti na nagrarambulan.”
Si Baby Jean De Leon naman ay nag-sermon: “Kayo din naman naperwesyo kong kayo nagpapahinga na laang sa kwarto niyo, at ngayon broadcast pa kayo may involved na Babae yari kayo ngayon sa asawa niyo sa pinas.”
Dagdag ni Agairdam Gnajac Reysally: “Ang alak nilalagay sa tyan hndi sa ulo. lalo na kng dayuhang manggagawa lamang tayo.”
Ipinakikita lang nito ang importansiya ng pagkuha ng buong kuwento, na walang bahid ng pagkampi kanino man. Ito ay isang tradisyon namin sa The SUN simula nang itayo ito 23 taon na ang nakararaan.
Maniniwala ka pa ba sa iba?