Sa pagdiriwang ng kanyang ika-40th anniversary sa showbiz, magkakaroon ng concert si Sharon Cuneta sa Araneta Coliseum sa September 28. Ito raw ay para makaganti sa kabutihan at paghanga ng kanyang mga followers na walang sawang sumusuporta sa kanya. Bukod dito, may inihahanda na rin siyang bagong pelikula na idi-direk ni Cathy Garcia Molina, na siya ring director niya sa Unexpectedly Yours, na pinagtambalan nila ni Robin Padilla.
Noong June 22, pinasaya ni Sharon ang mga manonood at producer ng concert ni Joey Generoso na dating miyembro ng bandang Side A at kaibigan niya nang paunlakan niya ang imbitasyon nila na maging special guest sa “Joey G Beyond” na ginanap sa The Theater at Solaire. Hindi rin tumanggap ng talent fee si Sharon at nag-request lang daw ito ng mansanas at ubas sa kanyang dressing room.
Ang hiling ni Joey na maka-duet siya sa awiting “Kahit Maputi Na ang Buhok Ko” ay sinundan ni Sharon ng ilan pang awitin dahil sayang naman daw ang damit niya, kung sandali lang siyang makikita. Nagkuwento pa siya sa audience na noong kumakanta pa ang Side A sa Calesa Bar noong 1989, at si Richard Gomez pa ang kanyang boyfriend noon, ay pinapanood na niya ang banda.
Maliban sa duets at spot numbers, ginanahan si Sharon na kumanta pa at sumali bilang isa sa mga back up singer ni Joey.
REGINE, BALIK-TV SA THE CLASH
Malapit nang mapanood ang pinakabagong singing contest ng GMA 7, ang “The Clash” na ang magiging host ay si Regine Velasquez.
Napili na ang 62 Clashers na maglalaban-laban mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas at ilang contestants na mula sa ibang bansa: Metro Manila (14), Northern Luzon (6), Central Luzon (12), Southern Luzon (7), Visayas (9), Mindanao (10) at international challengers (4).
Ang screening panel na pumili sa mga clashers kasama ni Regine ay binubuo nina OPM songwriter Vehnee Saturno, singer composer Jay Durias at TV director Bert de Leon. Ang mga magiging hurado ay sina AiAi delas Alas, Christian Bautista at Lani Misalucha.
Si Louie Ignacio ang director ng The Clash na mapapanood tuwing Sabado at Linggo.
PIA, PABOR NA SA IBANG BANSA ANG MISS U
Kamakailan ay ipinahayag ng bagong Department of Tourism (DOT) Sec. Berna Romulo-Puyat na hindi na matutuloy ang plano na muling i-host ng Pilipinas ang Miss Universe sa taong ito dahil sa laki ng budget. Naging kontrobersyal ang mga pinasukang proyekto ng DOT sa mga nakalipas na buwan sa pamumuno ng dating kalihim ng ahensya na si Wanda Tulfo-Teo kaya pinag-resign ito sa kanyang puwesto.
Pabor ang dating Miss Universe Pia Wurtzbach, na kasalukuyan pa ring ambassador para sa Miss Universe Organization, na sa ibang bansa naman ganapin ang pinaka-popular na beauty pageant dahil tatlong beses na rin naman itong ginanap sa Pilipinas, - noong 1974, 1994 at 2017. May balita na pinagpipilian kung sa Macau o South Korea ito gaganapin sa taong ito. Ayon kay Pia, tiyak na magugustuhan ito ng mga Pinoy na kilalang masugid na tagasubaybay ng Miss U kung nagkataon, dahil parehong mas malapit ang dalawang lugar at madaling puntahan. Mas makakabuti rin daw para sa pambato ng Pilipinas na si Catriona Gray kung maraming Pinoy na manonood at susuporta sa kanya. Ayon pa kay Pia, malaki ang tsansa ni Catriona na manalo dahil “total package” daw ito, at walang anumang masasabing negatibong bagay sa kanya.
Ang plano ni Pia na magtrabaho sa Amerika ay hindi pa niya pwedeng gawin ngayon dahil marami pa raw siyang tinatapos na commitments at projects bilang Kapamilya. Pagkatapos ipalabas ang pelikulang “My Perfect You” na pinagtambalan nila ni Gerald Anderson, ay may gagawin pa uli siyang pelikula at TV show, bukod pa sa mga product endorsements niya. Masaya pa rin ang pagsasama nila ng kanyang Swiss-Filipino boyfriend na si Marlon Stockinger, na dalawang taon na niyang karelasyon.
JENNICA, NAGSILANG NG PANGALAWANG ANAK
Isinilang ni Jennica Garcia ang pangalawang anak nila ni Alwyn Uytingco, na isa ring baby girl, noong June 25 ng gabi. Ang panganay nilang si Mori ay magta-tatlong taong gulang na.
Ikinasal sina Jennica at Alwyn noong February 2012, pagkatapos ng apat na taong relasyon.
Samantala, may ilan pang celebrites na nakatakdang magsilang sa kanilang pangalawang anak , kabilang sina Iya Villania (asawa ni Drew Arellano); Bianca Gonzalez (JC Intal); dating beauty queen Shamcey Supsup ( Lloyd Lee); Michela Cazzola (James Yap); Lara Precious Quigaman (Marco Alcaraz); Isabel Oli (John Prats); at singer Princess Velasco ( Dr. Bistek Rosario).
Nanganak din sa mga nakalipas na buwan sina Jolina Magdangal (baby girl Vika, May 28), Cristalle Belo (baby boy Hunter James, May 28), Sarah Lahbati (baby boy, Kai, March 21), Clarisse Ong, asawa ni Chris Tiu (baby girl Mari Diana, February 25), Saab Magalona (baby boy Pancho, February 6), Pokwang (baby girl, Malia, January 18), Kaye Abad ( baby boy Pio Joaquin, December 22), Niki Gil (baby boy Finn, Nov 20, 2017) at Kylie Padilla ( baby boy Alas, August 2017).
Hindi pinalad na mabuo ang kambal na ipinagbuntis ni Heart Evangelista ng tatlong buwan. Malungkot niyang ibinalita noong June 6 na hindi rin nabuhay ang pangalawa sa kambal, ilang linggo matapos na mawala ang una. Nakatakda siyang magbakasyon sa ibang bansa upang magpahinga at maka-recover, sa payo na rin ng kanyang asawang si Sen. Chiz Escudero.
NONOY AT WILLIE NEP, MAY CONCERT
Matapos maratay ng mahigit isang taon dahil sa stroke, muling magbabalik sa entablado ang master impersonator na si Willie Nepomuceno para sa “Music and Laughter” concert niya, kasama ang beteranong mang-aawit na si Nonoy Zuniga, sa The Theatre in Solaire sa July 27.
Nagpapasalamat daw si Willie sa pagkakaroon niya ng panibagong buhay, pagkatapos niyang na-stroke. “Life must go on ...the show must go on. Magre-retire na rin sana ako, dahil for so many years para akong talent na ... waiting for the chance to be discovered, eh ang tagal, tagal ko na sa showbiz, so parang ayaw ko na. But ‘yung call ng audience na mayroon pa rin palang naniniwala, eh ‘di ituloy natin.”
Lumabo raw ang paningin niya, pero wala naman daw tumabingi sa kanya, gaya nangyayari sa iba. “I was in bed for about one-and-a-half to two years. ... Tawag nila mild stroke but if that’s mild I don’t know what is more than that. Grabe, kulang na lang talaga sumigaw ako and say goodbye. Kaya lang ‘yung mga lyrics ng kanta nito (ni Nonoy Zuniga), how can I ever say goodbye.’ Natapos naman through constant therapy, pinagtiyagaan ko.”
Nakilala si Willie dahil sa panggagaya niya sa dating presidenteng sina Ferdinand Marcos, Fidel Ramos at Joseph Estrada, pero nagdesisyon daw siyang huwag gayahin si Pres. Duterte. “‘Yung traditional na nakikita niyo sa akin na political impression or satire, maybe hihiwalay muna ako doon from the meantime. I will try to reinvent myself. Kasi baka ano ang masabi ko. Mukhang ‘yung ginagawa ko noon hindi na as effective as before,” ang sabi pa ni Willie.
AIZA, MAGPAPA-OPERA
Ipinahayag ni Aiza Seguerra, na kilala na ngayon bilang Ice Seguerra, na kasalukuyan siyang nasa transition period bilang paghahanda sa kanyang sexual reassignment surgery. Ito ay kanyang ibinunyag sa panayam sa kanya ni Boy Abunda sa “Tonight with Boy Abunda” show noong June 21.
“Nung una nandun din ako sa parang why? bakit kailangan? pero alam mo Tito Boy, sometimes, especially nung nag come out na ako as trans, it’s so hard to wake up every day seeing that you’re in this body. Then alam mo yung pakiramdam na di naman eto dapat yun. Sinabi ko yun sa wife ko before. Kasi nung una parang di nya rin magets eh parang for her, ‘Tinatanggap naman kita eh, for me you’re a man.’ But it’s not about that. I mean I thank you for accepting me. but the problem is me accepting me,” ang sabi ni Ice.
Ipinaliwanag pa niya na sa transition period ay sumasailalim siya sa hormone replacement, kaya nag-aalala rin siya na baka mabago ang kanyang boses, lalo na at ang pag-awit ang kanyang trabaho upang matustusan ang pangangailangan ng kanyang pamilya. Masaya daw siya sa pagbubukas ng unang gender diversity center dahil may mga doktor siyang nakakausap tungkol dito.
Si Ice, na dating si Aiza Seguerra, ay unang umamin bilang isang transgender man noong August 2014.
Isa pang sikat na mang-aawit, si Charice Pempengco, na kilala na ngayon bilang si Jake Xyrus, ang suma-ilalim din sa hormone replacement. Bumaba na ang boses nito na parang nagbibinata, kaya malayung malayo na sa boses niyang hinangaan sa buong mundo noong siya pa si Charice. Pero patuloy pa rin siyang umaawit, at kamakailan ay nag-concert pa at may bagong album, dahil ang pag-awit lang din ang pwede niyang gawin upang matulungan ang pamilya.
PAOLO, NAKIPAG-BREAK SA TEXT?
Usap-usapan ang pakikipag-break daw sa pamamagitan ng text message ni Paolo Ballesteros sa kanya umanong boyfriend na si Sebastian Castro na isang commercial model at indie actor. Ipinost ni Sebastian ang mensaheng natanggap niya mula sa pinangalanan niyang “Root Word”: “Hey good morning. Ive been thinking for the past few days about us. Im sorry i have to break your heart again. im really sorry. I dont want you to finish ur song for me and i cant be that person. Its too much for me i guess. i dont know what else to say, but im really sorry.”
Kinumpirma rin niya na nagkaroon siya ng three- month relationship sa taong hindi niya sinabi ang pangalan. “I have no intention of confirming or denying rumors about who I was dating. For my own peace of mind, I’ll just acknowledge it’s over. Call it practicality, but it’s simply easier to say so once publicly than over and over again when asked. I had a brief 3-month relationship. It didn’t work out.
Thanks for the memories all the same.”
Napag-usapan ang relasyon na namagitan kina Paolo at Sebastian dahil ilang beses silang nakitang magkasamang nagdi-dinner sa beach sa La Union. Noong nakaraang buwan lang ay nag-post pa si Sebastian ng litrato ng bulaklak na may card kung saan nakasulat ang “Happy 2nd, my rootword. I love you”.
Samantala, nanatiling tikom ang bibig ni Paolo tungkol sa kanyang love life.