Bago pa lang si Lani sa kanyang amo na mabait naman pero sobrang selan pagdating sa kanilang kinakain. Lahat ng pagkain ay dapat eksakto sa timbang, lalo na yung baon ng mga bata sa eskuwela. Dapat alam ni Lani kung ilang grams ng pasta ang lulutuin kasama na ang gulay at pansahog na karne o isda dahil dapat ay tama lang na mailagay niyang lahat sa lunch box nila na walang sobra.
Minsan ay nagluto ng spaghetti si Lani at may dalawang subo ng spaghetti na sumobra. Nilagay niya sa isang tabi at tinakpan, at pagkatapos magligpit sa kusina ay kanyang kinain. Nakita siya ng kanyang among babae at pinagalitan siya.
Sumama ang loob ni Lani na sarap na sarap pa namang kumain. Hindi niya lubos maisip na sa kaunting tira ay pagagalitan siya ng amo niya. Kaya imbes na tumigil ay tinapos nya ang pagkain ng spaghetti, sabay sabi ng, “Sayang itapon kaya kinain ko, kung galit ka na kinain ko ang spaghetti just deduct from my salary.”
Tahimik na umalis ang amo ni Lani bitbit ang lunch box ng mga bata. Pagod man pero napatawa si Lani sa ginawa nya, sabay sabi sa sarili na “1 point” dahil nakuha niyang mangatwiran sa amo niya. Pagbalik niya mula sa paghahatid sa mga bata sa eskwelahan ay hinanda na niya ang kanyang tenga sa sermon ng amo.
Pero laking gulat ni Lani dahil hindi lang siya hindi pinagalitan kundi ay kinausap siya ng mahinahon at humingi ng paumanhin ang amo.
Hindi niya akalain na nang dahil lang sa spaghetti ay naging mabait ang kanyang amo. Patapos na ang kanyang kontrata ngayon at kinausap siya ng amo na pumayag siyang mag renew dahil gusto daw nila ang serbisyo niya.
Laking tuwa naman ni Lani lalo at kailangan pa niya ng trabaho para sa mga anak na nasa kolehiyo. Si Lani, 48 taong gulang, ay nagtatrabaho sa Mei Foo at tubong Batangas. - Rodelia Villar