Tahimik at wala namang reklamo ang mga amo kapag kumakain pero madalas na nakakalahati lang ang pagkaing hinahanda niya. Hinayang na hinayang siya tuloy dahil ayaw ng mga amo na nag-iimbak siya ng tira sa refrigerator kaya tapon lahat ang hindi nakain sa mga niluto niya.
Dahil lumaking mahirap, mas malaki ang panghihinayang niyang nararamdaman dahil alam niya ang pakiramdam ng kumakalam ang sikmura. Ang kahirapang iyon ang nagtulak sa kanya para magtrabaho sa Hong Kong.
Imbes panghinaan ng loob ay nagtanong-tanong siya sa mga kaibigan kung ano ang sikreto ng pagluluto ng masarap na pagkain. Pinayuhan siya ng mga ito na manood sa youtube ng mga paraan ng pagluluto, at tanungin din ang among babae kung tama sa panlasa nila ang kanyang mga hinandang pagkain.
Sinunod lahat ni Nadine ang payo ng mga kaibigan at pinaghusayan ang pagluluto. Hindi naman siya nabigo dahil ngayon, pagkatapos kumain ng mga amo, ay lagi siyang sinasabihan ng, “Nadine, look. The plates are all empty, everything is very yummy, thank you!”
Laking tuwa ni Nadine dahil natupad din ang gusto niya na magustuhan ng mga amo ang kanyang niluluto.
Si Nadine ay isang dalagang Bikolana na ang mga among Intsik ay naninirahan sa Robinson Road sa Mid-Levels. – Ellen Asis