Nagtataka ang mga hinihingan niya ng pera tuwing araw ng pahinga kung bakit lagi na lamang siyang nanghihingi, hanggang sa kalaunan ay nalaman nila na sagad pala ito sa utang kaya lahat ng sahod niya ay naipapambayad niya buwan-buwan.
Nagpatayo daw kasi siya ng bahay kaya kinailangan niyang umutang ng malaki. May trabaho naman sa Pilipinas ang asawa niya kaya wala siyang problema sa allowance ng mga anak nila. Nagtutulungan sila na makamit mga pangarap nila para sa kanilang pamilya, pero si Josie ang nagmumukhang kawawa.
Kung kani-kanino siya nakikikain sa simbahan na kanyang dinadaluhan, lumalapit siya sa mga umpukan ng mga Pinay at nakikipagkwentuhan hanggang ayain na siyang kakain. Bago umuwi ay hihirit pa siyang humingi ng $5 para sa kanyang pamasahe pauwi.
Payo naman ng isang kakilala niya, sana naman ay magtira siya sa kanyang sahod ng pangkain at pamasahe para hindi siya magmukhang kawawa. May isa namang nagsabi na maaring ayaw ni Josie na magtagal sa Hong Kong kaya ganoon na lang ang kayod niya. Gusto lang niyang matapos ang ipinatayong bahay, at pagkatapos ay uuwi na para makasama na ang kanyang pamilya. Kahit magsakripisyo na siya ng husto, kahit mamalimos na, ay gagawin para sa pamilya.
Si Josie ay tubong Metro Manila, may asawa at anak, 35 taong gulang, at malapit ng matapos ang unang kontrata sa pamilyang kanyang pinaninilbihan sa New Territories. – Marites Palma