Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Na-homesick bigla

29 June 2018

Malungkot ang malayo sa sariling anak. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit marami sa mga nanay na nasa ibang bansa ang na ho-homesick. Kabilang sa kanila si Rose, na kadarating lamang sa Hong Kong, at mabigat sa loob ang pag-iwan sa dalawang anak na apat at anim na taong gulang sa pangangalaga ng asawa. Naisipan niyang magtrabaho sa ibang bansa dahil hindi sapat ang kinikita ng asawa mula sa pinagtatrabahuang pabrika. 

Mabait naman ang kanyang mga amo at pati na ang apat na taon na bata na kanyang inaalagaan. Dahil sa bibo at magiliw ang bata ay nababawasan ang kanyang lungkot. Sinisikap niyang ituon ang isip sa trabaho at pinagbubuti niya ang kanyang pagsisilbi sa amo upang maiwasan ang ma homesick. Iniisip na lang din niya na anak niya ang batang inaalagaan upang maiwasan ang pag iisip ng husto sa mga anak.

Kamakailan, araw ng Linggo, paglabas ni Rose sa sala upang mag day off ay nadaanan niya na gising na ang kanyang alaga at naglalaro kasama ang nanay nito. Agad na lumapit ang bata sa kanya at yumakap, sabay sabi ng, “Happy Mother’s Day, auntie. I love you.” 

Napaiyak si Rose at niyakap rin ang alaga ng mahigpit. Nakiyakap na rin ang kanyang among babae dahil sa awa kay Rose na alam nitong lungkot na lungkot sa mga sandaling iyon dahil sa pangungulila sa mga anak. Sinabihan ng amo  ang anak nito na, “Tell auntie to stop crying.” Sinunod naman ito ng bata, at dinagdagan pa ng siya na lang daw muna ang anak ni Rose habang nagtratrabaho sa Hong Kong.

Kapag may pera na daw siya ay kukunin niya ang mga anak ni Rose para may kalaro siya. Natawa na lang si Rose at ang among babae sa sinabi ng alaga.

Si Rose ay tubong Laguna at anim na buwan pa lamang sa among Intsik na naninirahan sa Kowloon.

Don't Miss