Nagkaroon ng malubhang sakit si Olive, 64, at nagpasyang sa Pilipinas na magpagamot. Tutal, maayos na ang buhay ng kanyang mga anak, at tanging ang mga amo na lang niya ang nagpipigil sa kanyang pag-uwi.
Dati siyang nanilbihan sa mga ito ng 18 taon, at siya na ang nagpalaki sa alagang dalaga, hanggang pumasok ito sa kolehiyo, at naisip ng mga magulang na hindi na nila kailangan ang kasambahay. Pero isang taon pa lang si Olive sa bagong amo ay pinabalik na siya ng mga dating amo sa kanilang bahay sa Fortress Hill.
Katatapos pa lang niya ng panibagong kontrata sa kanila nang mahulog siya mula sa isang tuntungan at matumba, at kinailangang dalhin siya sa ospital. Doon ay nakita na may malubha siyang sakit sa matris, at kinailangang operahan agad.
Pagtapos ng operasyon ay may nakita namang bukol sa kanyang sikmura, at sinabihan siyang magpatingin muli para masigurong hindi malubha ang kanyang kundisyon. Minabuti ni Olive na umuwi na lang dahil hindi na siya nakapagtrabaho muli mula nang lumabas sa ospital pagkatapos ng isang buwang pagpapagamot.
Nahihiya na din daw siya sa mga amo dahil ang pakiramdam niya ay nagiging pabigat na siya. Sa kabila nito ay mabigat din ang kanyang loob na umalis dahil sa alaga na napalapit na ng husto sa kanya. Inalo na lang niya ang dalaga sa pagsasabing mag-chat na lang sila lagi sa Facebook, at kung gusto nito ay maaari din siyang dalawin sa Pilipinas dahil hindi naman ito kalayuan sa Hong Kong.
Napawi naman ang lahat ng kanyang lungkot at agam-agam nang sa pagdating niya sa kanilang bayan sa Bicol ay salubungin siya ng isang salo-salo ng kanyang asawa at mga anak, at pati ng ilang mga kaanak at kaibigan. - DCLM