Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Karanasan ng nag-overstay: TNT ng 19 taon

24 June 2018

Ni Rodelia Villar

May 19 taon nang naninirahan ng ilegal sa Hong Kong si M.L., tubong Bisaya at 45 taong gulang nang makumbinsi siyang sumuko. Nakatagal siya dito dahil may mabait na mag-asawang kumupkop sa kanya at binayaran siya ng tama kaya napatapos niya sa pag-aaral ang tatlong kapatid. Sa tagal ng panahon na lagi siyang nagtatago sa maykapangyarihan ay napagod na siya, kaya gusto na niyang sumuko para makauwi na at makapiling ang pamilya. Ang tanging inaalala niya ang mag-asawang itinuring siyang parang isang kaanak.

Taong 1997 nang dumating siya dito para magkatulong na walang hangad kundi ang matulungan ang pamilya na makaahon sa hirap. Nakatapos ng high school si M.L. pero hindi na nagkolehiyo sa kagustuhang mag abroad at kumita agad ng malaki. Iniwan nya ang trabaho sa Pilipinas na may maliit na sahod. Umabot sa P50,000 ang nagastos ni M.L. bago makarating ng HK at binawas unti-unti sa kanyang suweldo kaya halos wala siyang kinita sa kanyang unang kontrata.

Sa pangalawang kontrata, na terminate siya ng amo pagkatapos ng tatlong buwang pagtatrabaho sa hindi niya malamang dahilan. Binayaran naman siya ng amo at tumira siya sa isang boarding house habang naghahanap ng bagong employer. Sa kasamaang palad may nagnakaw ng kanyang pasaporte at pera doon. Isa sa kanyang mga kasamahan doon ang nagyaya sa kanya sa parke, at pagbalik niya ay wala na ang kanyang mga gamit.

Balak daw niya noon na mag report sa Konsulado para makakuha ng bagong dokumento, pero may apat siyang kasamahan sa boarding house na TNT (tago nang tago), na nagyaya sa kanya na manatili na lang sa Hong Kong ng walang pahintulot katulad nila.

Sa unang dalawang taon niya bilang overstayer sa Hong Kong, nagpalipat-lipat siya ng boarding house at tumanggap ng trabahong ilegal para lang may maipadala sa pamilya sa Pilipinas. Tiniis niyang hindi makalabas ng Hong Kong para hindi maputol ang kanyang sustento sa pamilya.

Suwerte naman na pagkatapos noon ay may nakilala si M. L. na mag asawang Intsik na may anak na nag-aaral sa Canada, at kinuha siya ng mga ito bilang regular na parttime.

Dalawang beses sa isang linggo kung magtrabaho siya sa kanila noon, at agad na naging magaan ang loob ng mag-asawa sa kanya at itinuring sya na parang anak, siguro dahil malayo ang kanilang nag iisang anak at kailangan din nila ng kausap at kasama sa bahay.

Hindi naglaon ay kinausap ng mag asawa si M. L. na kung pwede ay sa kanila na siya magtrabaho at babayaran siya ng tamang sahod kahit wala silang kontrata dahil alam ng mag-asawa na ilegal siya sa Hong Kong. Dahil sa kanilang kabaitan ay nakapagpadala ng regular si M. L. sa pamilya sa Pilipinas sa pamamagitan ng isang kaibigan.

Sa panahon ng kanyang pagsisilbi sa mag-asawang mabait ay namuhay na parang regular na kasambahay si M.L. Namamalengke siya at bumibisita sa mga kaibigan, at lumalabas at nagpa-party kasama ang mag-asawa, bagamat lagi silang nag-iingat na wala silang makakasalamuhang pulis.

Sa pagdaan ng mga panahon ay tanging si M. L. na lang ang natirang TNT sa kanilang magkaibigan sa dating boarding house dahil ang iba ay nahuli, nakulong at nakauwi na sa Pilipinas. Dahil sa mga kaibigan, nalaman ni M. L. ang mga lugar na pinagdadalhan sa mga nahuhuli, saan sila kinukulong, ano ang pwedeng dalhin sa loob, at ano ang ginagawa nila habang sila ay nakakulong. Pasikreto niyang pinuntahan ang lahat na mga lugar para daw alam na niya ang mangyayari sakaling sumuko na siya.

Nang makapagtapos ang kanyang mga kapatid ay lalong sumidhi ang pakiusap ng mga ito na sumuko na si M.L. para mapanatag na ang kanyang kalooban at dahil kaya na nila siyang bigyan ng magandang buhay kapalit ng kanyang pagpapakasakit para sa kanila. Ang tanging pumipigil kay M.L. dati ay ang mag-asawa na kumupkop sa kanya at itinuring siyang parang pamilya.

Napadali lang ang desisyon niyang umuwi na sa Pilipinas nang biglang makaramdam ng sakit si M.L. na ikinatakot niya. Walang tigil ang ubo niya at paninikip ng dibdib at kahit gusto niyang magpatingin sa doktor ay hindi niya magawa dahil sa kanyang kalagayan bilang overstayer. Ayaw niyang bigyan pa ng problema ang mga amo kaya humingi siya ng tulong sa isang kapwa Pilipina na nakikilala niya lang sa Facebook at alam niyang tumutulong sa mga OFW. Pumayag naman ang kapwa na Pilipina na samahan siyang magpatingin, bagamat pinayuhan din siya nito na sumuko na. Sa araw ng kanilang pagkikita ay parang himala na nawala ang lahat ng kanyang sakit. Dito naisip ni M.L. na panahon na nga siguro para siya ay sumuko. Nagkasundo sila na lumapit sa Konsulado para matulungan siyang sumuko, at baka sakaling mapagaan din ang kanyang parusa. Sinamahan si ML ng bagong kaibigan hanggang sa General Investigation Section ng Immigration sa Kowloon Bay kaya hindi siya masyadong kinabahan.

Nang magkita silang muli pagkatapos makulong si M.L. ng dalawang linggo ay masaya nitong ibinalita na malamang na makalabas na siya at makauwi sa Disyembre para makasama na muli ang pamilya. Malaya na rin siyang patuloy na makipagtalastasan sa mag-asawang kumupkop sa kanya, kahit sa pamamagitan lang ng FB.

Payo ni ML sa mga kapwa OFW, huwag hayaang maging ilegal ang kanilang pananatili sa Hong Kong dahil may mga paraan naman para sila makapanatili dito na hindi kakakaba-kaba at laging tago nang tago. Iba pa rin ang pakiramdam ng isang malaya.

Don't Miss