Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Ilegal ang gawain niya

24 June 2018

Ni Merly Bunda

Si M.J. na isang Ilongga, 42 taong gulang at dalaga ay nahuli ng Immigration noong Mayo 3 habang nagbabantay sa kaha ng isang spa sa Hunghom na pag-aari ng amo niya.

Matagal na sigurong sinusubaybayan  ng mga autoridad ang shop bago ito pinasok at hinuli siya kasama ang apat na Thai na masahista. Na-deport yung mga Thai pero ipinaglaban ng amo ang kaso ni M.J. marahil ay nangangamba ito na masasabit din, depende sa sasabihin ng Pilipina.

Isang kaibigan ni M.J. ang nagsubok na kamustahin siya dahil nanghihingi ng tulong ang pamilya nito sa Iloilo, pero ayaw magsalita ng amo, at ang sabi ay may abugado nang humahawak sa kaso nila. Kaya ganoon na lang ang gulat nung kaibigan ni M.J. nang malaman na nakakulong ito sa Lowu Correctional For Women. Nasentensiyahan na pala siya ng hanggang apat na buwang pagkakulong magmula nang mahuli siya noong Mayo 3. Hindi na siya pinalabas at pinayagang magpiyansa habang dinidinig ang kanyang kaso.

Tinawagan ng kaibigan iyong kulungan sa Lowu at ang sabi sa kanya ay wala na doon si M.J. at kinuha ng Immigration para kunan muli ng pahayag, pero hindi daw nila alam kung saan na siya dinala. Kasalukuyan ngayong nakikipag-ugnayan ang kaibigan sa assistance to nationals section ng Konsulado para malaman kung nasaan na si M.J. at para mabigyan din ng tulong kung sakali.

Itinanong din ng kaibigan kung walang matatanggap na long service pay si M.J. dahil 15 taon itong nagsilbi sa amo, pero ang sabi sa kanya ay malabo dahil ilegal ang trabaho niya.

Matagal nang pinagsasabihan si M.J. ng kanyang mga kaibigan na itigil na ang pagtatrabaho sa spa dahil delikado. Wala din namang ekstra na sahod ang binibigay sa kanya ng amo, at alam nilang pareho na ayon sa kanilang kontrata ay sa bahay dapat nagtatrabaho si M.J.

Ayon pa sa kuwento ng mga kaibigan niya, may isang Thai na trabahador sa spa na biglang pinaalis ng amo at nagbabala ito na magsusumbong sa mga awtoridad. Malamang ay iyon ang nagsuplong. Dapat ay noon pa lang daw ay tumigil na si M.J. sa kanyang ilegal na trabaho at hindi na hinintay na mahuli pa siya at makulong. Kasalanan din naman niya ang nangyari, ang sabi pa nila.


Don't Miss