Hindi lang kasi trabahong bahay ang pinapagawa sa kanya ng among babae. Nag-aral ito ng paggawa ng mga kakanin ng Intsik, tapos ay ginawa siyang assistant, kaya nadagdagan ang kanyang trabaho. Habang tumatagal siya sa amo ay mas lalo pa daw itong naging maselan at maarte.
Para gumaan ang nararamdaman ay idinadaan na lang ni Precy sa pagkanta ng “Doon Lang” ang nararamdaman. May tama kasi sa kanya ang parteng ito ng kanta: “Kung nakatapos lang ako ng pag- aaral, disin sana ako'y mayroong dangal (propesyunal) na ihaharap sa iyo at ipagyayabang...”
Ayon pa kay Precy, nasa kanya daw ang lahat ng pagkakataon noon na makatapos dahil bunso siya. Kung ginusto lang niya, tiyak na papaaralin siya ng ate niya na nagtatrabaho din sa Hong Kong.
Inakala daw niya na maganda ang magtrabaho dito dahil sa tuwing magbabakasyon ang kanyang mga ate ay may magagandang damit, alahas at ibang gamit. Sa tingin din niya ay siyang siya ang kanilang mga magulang sa naging kapalaran ng kanyang mga kapatid.
Nang siya ay lumagay sa tahimik ay nag-umpisa na siyang maghirap dahil iresponsable ang kanyang napangasawa. Hindi na nga ito nagtatrabaho ay nambabae pa, kaya nagdesisyon siyang hiwalayan ito kahit may dalawa na silang anak.
Ngayon ang mga anak na lang daw niya ang nagbibigay ng lakas sa kanya at ng inspirasyon para kayanin ang mga pagsubok, lalo na ng dahil sa amo niyang maarte. Kailangan niyang magtiyaga para mapaaral ang mga anak at nang hindi matulad sa kanya na nagtitiyagang magtrabaho bilang katulong sa ibang bansa dahil walang tinapos. – George Manalansan